Lakers diniskaril ang pagbabalik ni Rondo
BOSTON--Naunsiyami ang pagbabalik ni Rajon Rondo nang kunin ng bumisitang Los Angeles Lakers ang 107-104 panalo laban sa Celtics noong Biyernes.
Tumapos si Pau Gasol ng 24 puntos at 13 rebounds, nagdagdag naman si Kendall Marshall 19 puntos at 14 assists. Nagsumite si Wesley Johnson 11 puntos at 11 rebounds para sa Lakers.
Susi sa tagumpay ang 3-pointer ni Johnson sa huling 69 segundo sa laro para tuluyang ibigay sa Lakers ang kalamangan.
May dalawang free throws pa si Kelly sa huling 9.4 at wakasan ng Lakers ang anim na sunod na pagÂkatalo.
Si Rondo ay nagbalik mula sa injury sa right anterior cruciate ligament tear noong Enero 20, 2013.
May walong puntos, apat na assists at dalawang rebounds ang kanyang ibinigay sa 20 minutong paglaÂlaro pero ang sana’y panablang tres na kanyang itinira ay sumablay.
Sa San Antonio, tumapos si LaMarcus Aldridge taglay ang 26 puntos at 13 rebounds at si Wesley Matthews ay may 24, kasama ang 6-of-7 shooting sa 3-point line, para ibigay sa Portland Trail Blazers ang 109-100 panalo laban sa Spurs.
Naghatid pa ng 21 puntos at walong assists si Damian Lillard at si Mo Williams ay may 13 puntos para tapusin din ng Portland ang anim na diretsong panalo ng Spurs.
Pinamunuan ni Manu Ginobili ang Spurs sa 29 puntos pero naramdaman ng San Antonio ang pinagsamang walong puntos lamang nina Tim Duncan at Tony Parker sa second half sa pisikal na tagisan.
Sa Memphis, gumawa ng 25 puntos at anim na assists si Mike Conley pero ang kanyang malaking naiambag sa Grizzlies ay ang nakuhang bola sa jump ball sa huling segundo para ipreserba ang 91-90 panalo laban sa Sacramento Kings.
Ikalimang diretso na panalo ito ng Grizzlies at si CourtÂney Lee ay mayroong 17 habang sina Marc Gasol at Zach Randolph ay mayroong 16 at 12 puntos.
- Latest