Serena sinibak si Hantuchova sa Aussie Open

MELBOURNE--Kasa­bay ng paglala ng heat wave ay ang mainit na laro na galing kay Serena Williams.

Inabot lamang ng isang oras at 20 minuto ang laro ni Williams laban kay Da­niela Hantuchova nang kunin ang 6-3, 6-3, panalo upang itaas din sa 61 ang kanyang pagpapanalo sa Australian Open.

Iniwanan na niya si  Margaret Court sa pinakamahabang winning streak sa kompetisyon  at tinablahan si Lindsay Davenport sa paramihan ng laro sa main draw match na 69.

“It was a tough match…it’s definitely hot, but you have to be ready to play,” pahayag ni Williams. “And then you have to prepare yourself mentally, too.”

Nasa 39 Celsius (102 Fahrenheit) ang temperatu­ra noong naglalaro si Williams at umabot pa ito sa 42C (108F) sa hapon.

Sunod niyang makaka­laban ang mananalo sa pa­gitan nina 2011 US Open champion Sam Stosur at dating  No. 1 Ana Ivanovic.

Hindi naman ipinagpa­tuloy nina Serena at kapatid na si Venus ang paglalaro sa doubles dahil sa leg injury ng huli.

Naisalba ni two-time finalist Li Na, isa sa mala­king hadlang sa landas ni Williams para sa korona, ang match point at gapiin ang No. 26-seeded na si Lucie Safarova, 1-6, 7-6, (2), 6-3.

Umusad sa susunod na round ang No. 9 na si Angelique Kerber ng manaig sa American na si Alison Riske, 6-3, 6-4.

Makakaharap ni Kerber ang No. 28 na si Flavia Pennetta na umiskor ng 6-1, 7-5 tagumpay laban kay Mona Barthel ng Germany.

Tinalo ni No. 22 Eka­terina Makarova si Monica Nicules, 6-4, 6-4 at namayani si No. 30 Eugenie Bouchard sa American na si Lauren Davis, 6-2, 6-2

 

Show comments