ROS, Petron pupuwesto Abueva, Dillinger at David pinagmulta

Laro Ngayon

(Smart Araneta Coliseum)

5:45 p.m. Rain or Shine

vs Meralco

8 p.m.  Petron

vs San Mig Coffee

 

MANILA, Philippines - Pasisikipin pa ng Petron Blaze at Rain or Shine ang labanan para sa u­nang da­lawang puwesto sa PLDT MyDSL PBA Philippine Cup sa pag-asinta ng pa­nalo sa mga makakatunggali ngayon sa Smart Araneta Coliseum.

Parehong may 9-3 ba­raha ang Boosters at Pain­ters at ang makukuhang panalo ay magdidikit sa kanila sa kalahating laro sa nangungunang Barangay Ginebra (10-2).

Unang sasalang ang Rain or Shine laban sa Me­ralco sa ganap na alas-5:45 ng hapon bago pumalit ang Petron at San Mig Coffee dakong alas-8 ng gabi.

Alam ni Elasto Painters coach Yeng Guiao ang kahalagahan ng laro kaya’t hanap niya na magpatuloy ang determinasyong ma­nalo ng mga players na siyang dahilan kung bakit may limang sunod na panalo ang koponan.

“We have shown matu­rity and desire to win in tight situations. We have to keep the fire burning,” pahayag ni Guiao na hu­ling nalusutan ay ang Talk N’ Text, 90-88.

Tinalo ng Painters ang Bolts sa unang tipanan, 94-89, noong Nobyembre 22 pero hindi puwedeng magkumpiyansa ang kopo­nan dahil ang tropa ni coach Ryan Gregorio ay may dalawang sunod na panalo sa pagpasok ng taon.

Tumikas ang laro ng Bolts sa pagpasok ng bete­ranong si Danny Ildefonso na naghahatid ng 8 puntos, 6.5 rebounds, 4 assists at tig-isang steal at blocks sa mga panalong nakuha.

Ang ikatlong dikit na panalo ay magpapala­kas din sa habol ng Meralco na puwesto sa quarterfinals.

Tinalo rin ng Boosters ang Mixers sa unang pagtutuos na nangyari noong Nobyembre 27, 91-78.

Samantala, pinagmulta ng PBA  na nagkakahalaga ng P28,000.00 bunga ng gulong kinasangkutan sina Calvin Abueva ng Alaska Aces at Jared Dillinger at Gary David ng Meralco.

Si Abueva ay pinagmulta ng P10,000.00 matapos iakyat ang naunang itinawag na technical foul tungo sa flagrant/unsportsmanlike foul matapos dumugo ang ilong ni  Dillen­ger na nasiko ito matapos mawalan ng panimbang  sa isang defensive play.

Dinagdagan pa si Abue­va ng P3,000,00 multa dahil sa kasong flopping.

Ang Fil-Am na si Dil­linger ay pinagbabayad din ng P10,000.00 dahil iti­naas din ang naunang itinawag na technical foul dahil sa taunting tungo sa flagrant/unsportsmanlike foul bunga ng pagpulupot ng braso nito sa leeg ng Alaska player.

May P5,000.00 multa si David dahil sa unsportsmanlike conduct nang nakita sa review sa tape ng laro na nasa fighting stance siya habang nasa loob ng court.

Show comments