MANILA, Philippines - Umagaw ng eksena ang mga spikers mula sa South nang itala ng Western Visayas at Central Visayas ang kanilang ikalawang sunod na panalo laban sa magkahiwalay na kalaban kahapon at umentra sa semifinals ng Shakey’s Girls’ Volleyball League Season 11 Tournament of Champions sa Ninoy Aquino Stadium.
Pinatalsik ng Western Visayas, kumatawan sa CenÂtral Philippine University, ang Central Luzon’s Angeles University Foundation, 25-14, 25-19 sa Pool A, habang dinispatsa ng Central Visayas na kumatawan sa UniverÂsity of San Jose-Recoletos ang Eastern Visayas’ Leyte National High School, 25-9, 25-14 at okupahan ang pangunguna sa Pool A sa limang araw na event na itinataguyod ng Shakey’s at inorganisa ng Metro Sports.
Umiskor si Roma Joy Doromal ng 10 kills at isang block upang tabunan ang pagkawala ng kanilang injured hitter na si Princess Anne Robless (sprain) at duplikahin ang kanilang naunang 26-28, 25-17, 25-12 pananaig sa guest team na Victoria, Australia nitong Lunes.
Ang panalo ay nagdala sa WV sa unahan ng Pool A kasama ang defending champion NCR sa torneong may suporta rin ng Mikasa, Asics, Tune Hotel, Burlington, BioFresh, Food Health at Science Magazine.