Aldridge humataw sa panalo ng Blazers

PORTLAND--Tumapos si LaMarcus Aldridge taglay ang 21 puntos at 13 rebounds at ang Portland Trail Blazers ay umukit ng 112-104 panalo sa Boston Celtics noong Sabado.

Bumuhos ang suporta kay Aldridge dahil si Wesley Matthews ay may 18, si Nicolas Batum ay may 16 at sina Damain Lillard at Robin Lopez ay may tig-15.

Si Lopez ay humablot pa ng 13 boards pa para ibigay sa Trail Blazers ang ika-28 panalo laban sa siyam na talo upang manatiling nakasalo sa unang puwesto sa Northwest Division kasama ang Oklahoma City.

Sa Washington, ipina­kita naman ng Houston Rockets ang kanilang determinasyon nang nakitang naglaho ang 25-puntos ka­lamangan, naiwanan pa ng lima, bago bumalik ang sigla at kinuha ang 114-107 panalo laban sa Bulls.

Naapektuhan ang init ng laro ng Rockets dahil halos isang oras na naantala ang sagupaan nang dalawang beses na itinigil ang bakbakan dahil sa tulo mula sa bubungan dulot ng malakas na ulan.

Gumawa si James Harden ng 25 puntos kasama ang drive na nagtabla sa laro. Sinundan niya ito ng three-point play upang tuluyang ibigay ang bentahe sa laro sa Rockets.

May apat na field goals lamang ang Houston sa huling yugto pero nagawa pa rin nilang tapusin ang laro bitbit ang 17-5 palitan.

Ito ang ikaapat na dikit na pagkatalo sa home court ng Wizards at nasa­yang ang double-double outputs nina John Wall (23 puntos at 10 assists) at Trevor Ariza (23 puntos at 14 rebounds) bukod sa season-high 18 marka na ginawa lahat sa second half ni Kevin Seraphin.

 

Show comments