Billiards event tinanggal sa 2014 Asian Games

MANILA, Philippines - Bawas agad ang gintong medalya na pagsisika­pan sa­nang maidepensa ng Pilipinas sa Asian Games sa Incheon, Korea.

Ang larong bilyar ay ti­nanggal sa mga sports na gagawin sa kompetisyon at apektado ang bansa dahil hindi nabobokya ang ipina­dadalang cue artists ng Pi­lipinas sapul nang isinali ang sport noong 1998 sa Bangkok, Thailand.

Si Dennis Orcollo na kumuha ng ginto sa 27th SEA Games sa Myanmar, ang siyang huling nanalo ng ginto sa Asiad nang do­minahin ang men’s 9-ball no­ong 2010 sa Guangzhou, China.

Ang panalo sa Guangzhou ay nagresulta para ma­natili sa bansa ang kam­peonato sa dibisyon na naunang hinablot ni Antonio Gabica noong 2006 sa Doha, Qatar.

Ang mga naunang events na pinagharian ng Pilipinas ay sa men’s doubles 9-ball at unang kam­peon dito sina Gandy Valle at Romeo Villanueva no­ong 1998 bago naidepen­sa nina Francisco Bustamante at Antonio Lining noong 2002 sa Busan, Korea.

Hindi na isinali ang bil­­liards sa Incheon dahil isi­­nama ang cue sports sa kalendaryo ng Asian Indoor Martial Arts Games.

May panghihinayang na­man na nararamdaman si Orcollo sa pagkakatanggal ng sport sa  Asiad.

“Nakakalungkot dahil gold medal ako sa last Asian Games so hindi ko ma­de-defend ang title ko. Pe­ro ganun talaga at bawi na lamang sa ibang tournaments na sasalihan ko,” pahayag ni Orcollo.

Bukod kay Orcollo, ang bow­ler na si Engelberto “Bi­boy” Rivera at ang boxer na si Rey Saludar ang iba pang nanalo ng ginto sa Guangzhou Games.

Sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4 gagawin ang 2014 Asian Games at ang pagkakaroon ng ma­­habang panahon ang si­­yang sinasandalan ng mga sports officials.

Show comments