MANILA, Philippines - Pinagningning nina Lee Van Corteza at Carlo Biado ang ipinakitang laban ng mga Filipino cue-artists nang nalagay sa ikalawa at ikatlong puwesto sa talaan ng World Pool Association sa 2013.
Limang torneo ang giÂnaÂgamit ng WPA para maging basehan ng world rankings ng mga bilyarista at ang mga ito ay ang China Open, Ultimate 10-Ball, 9-Ball World Championship, US Open 9-Ball at ang All Japan Championship.
Kasama rito ang World 8-Ball Championship at World 10-Ball Championship ngunit hindi ito naidaos noong 2013 dahil sa kawalan ng mga kumpanyang magtataguyod dito.
Si Corteza ang lalabas bilang pinakamahusay na pool player ng international federation matapos makalikom ng 1739 puntos.
Hinirang si Corteza bilang kampeon sa China Open upang halinhinan ang kababayang si Dennis Orcollo na dinomina ang torneo noong 2012.
May 600 puntos si Corteza habang ang iba pang puntos na nakuha niya ay 449 sa World 9-Ball, 330 sa US Open 9-Ball, 190 sa Ultimate 10-ball at 170 sa All Japan Championship.
Si Biado ang nalagay sa ikatlong puwesto bitbit ang 1446 puntos.
Ininda ni Biado, isang silver medalist sa katatapos lang na Myanmar SEA GaÂmes, ang ‘di paglahok sa US Open upang walang nakuÂhang puntos.
Ang number one sa talaan ay si Thorsten HohÂmann ng Germany at tampok na panalo niya ay sa World 9-Ball Championship na kung saan ang Filipino player at 2006 Doha Asiad gold medalist na si Antonio Gabica ang kanyang tinalo.
Nakakuha siya ng 1150 puntos upang katampukan ang nangungunang 1930 puntos.
Ang iba pang manlalaro na pasok sa unang 10 puwesto ay sina Karl Boyes ng Great Britain (1411), Mika Immonen ng Finland (1215), Nick Ekonomopoulous ng Greek (1180), Darren Appleton ng Great Britain (1088), Chris Mellig ng Great Britain (1050), Shane Van Boening ng US (1040) at Ko Pin-yi ng Chinese Taipei (1007).
Si Orcollo na nanalo ng ginto sa SEA Games ay nalagay sa ika-12 puwesto sa 962 puntos.
Si Rubilen Amit na kampeon sa World Women’s 10-Ball Championship na ginawa sa Pilipinas at sumungkit din ng ginto sa SEAG ay nasa ikalimang puwesto sa kababaihan.
Apat na torneo ang piÂnagbabasehan sa woÂmen’s division na Amway Cup, China Open, World 9-ball Championship at World 10-ball Championship at si Amit ay may 640 puntos sa 10-ball upang isama sa 118, 228 at 210 puntos sa naunang tatlong torneo.
Si Kelly Fisher ng Great Britain na kampeon sa AmÂway pero natalo kay Amit sa World 10-ball, ang number one sa kababaihan sa 1504.
Dalawang Chinese players na sina World 9-ball champion Yu Han at China Open titlist Liu Sha Sha ang nasa ikalawa at ikatlong puwesto sa 1436 at 1345 bago sumunod si Tsai Pei Chen ng Chinese Taipei sa 1213 puntos na nasa ikaapat na puwesto. (AT)