Pacquiao lalabanan ni Provodnikov kung...

MANILA, Philippines - Kung hindi nila mapa­plantsa ang laban kay Juan Manuel Marquez ay si Manny Pacquiao ang pipiliing harapin ni world light welterweight titlist Ruslan Provodnikov.

Ito ang pahayag ni Va­dim Kornilov, ang manager ni Provodnikov, hinggil sa kanilang opsyon sakaling tanggihan ni Marquez na labanan ang Russian fighter.

“If we fail to reach an agreement on a pay-per-view fight with Juan Manuel Marquez, then the possibi­lity of a fight against Pacquiao is really great,” wika ni Kornilov.

Naagaw ni Provodni­kov (23-2-0, 16 KOs) ang suot na World Boxing Organization (WBO) light welterweight crown ni Mike Alvarado via ninth-round TKO.

Si Provodnikov, nasa kampo rin ni chief trainer Freddie Roach, ang tuma­yong sparmate ni Pacquiao (55-5-6, 38 KOs) bago labanan ng Filipino world eight-division champion si WBO welterweight king Timothy Bradley, Jr. (31-0-0, 12 KOs).

Si Bradley ang umagaw ng WBO welterweight crown ni Pacquiao matapos kunin ang kontrobersyal na split decision win noong Hunyo 9, 2012 kasunod ang pagbagsak ng Sarangani Congressman kay Marquez (55-7-1, 40 KOs) sa sixth round sa kanilang ikaapat na paghaharap noong Disyembre 8, 2012.

Nauna nang tumanggi si Provodnikov na labanan si Pacquiao dahil sa iisa nilang trainer na si Roach bukod pa sa iisa nilang pro­moter na Top Rank Pro­motions.

Ngunit sinabi ni Bob Arum ng Top Rank na gus­to lamang ng kampo ng Russian na magpataas ng premyo kung kaya ayaw pang pumayag na harapin ang 35-anyos na si ‘Pacman’.

Si Pacquiao ay nakatak­dang lumaban sa Abril 12, 2014 sa Las Vegas Neva­da matapos bugbugin si Brandon ‘Bam Bam’ Rios noong Nobyembre 24, 2013 sa Macau, China.

Nasa listahan pa rin nina Arum at Pacquiao si Floyd Mayweather, Jr. (45-0-0, 26 KOs).

Show comments