National Rapid chessfest Antonio kampeon

MANILA, Philippines - Lumabas ang galing ni GM Rogelio “Joey” Antonio Jr. sa rapid chess nang hiranging kampeon sa 2013 National Rapid Chess Championship noong Linggo sa PSC Dining Hall sa Rizal Memorial Sports Complex sa Vito Cruz, Manila.

Si Antonio na nakasama sa Pambansang koponan na naglaro sa Myanmar SEA Games at naghatid ng isang pilak sa ASEAN rapid chess team at bronze sa individual blitz, ay tumapos bitbit ang nangungunang 7.5 puntos.

“Maraming magagaling na kasali kaya hindi ko expected na manalo. Pero lagi akong naglalaro ng rapid kaya ito ang nakatulong sa akin para manalo,” wika ni Antonio na tumutulong sa chess program ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte.

Halagang P10,000.00 ang naiuwi ng tubong Calapan, Oriental Mindoro na si Antonio sa tagumpay para pawiin ang 14th place sa Blitz na ginawa noong Sabado.

Sina GM Richard Bitoon at National Master Jerad Docena ang nagsalo sa ikalawang puwesto sa tig-pitong puntos para bitbitin ang tig-P4,000.00 premyo.

Nakisalo si WNM Jedara Docena kay Antonio dahil siya ang lumabas na kampeon sa women’s division.

Nakasama sa mga na­nalo sina IM Ronald Dableo at WFM Cherry Ann Mejia matapos dominahin ang Blitz.

Si NCFP executive director GM Jayson Gonzales ang namahala sa dalawang araw na patimpalak.

 

Show comments