Kings nalusutan ang Heat sa OT

SACRAMENTO--Tatlong manlalaro ng Sac­ramento Kings ang kinakitaan ng ibayong husay sa paglalaro upang makabangon ang koponan mula 17-puntos na pagkakalubog at kunin ang 108-103 overtime panalo sa Miami Heat noong Biyernes .

Si DeMarcus Cousins ay naglista ng 27 puntos at 17 rebounds, si Rudy Gay naghatid naman ng 26 habang si Isaiah Thomas ay tumapos bitbit ang all-around na 22 puntos, 11 assists at pitong rebounds para sa nanalong koponan.

Si Gay ang gumawa ng panablang buslo sa regulation bago sinandalan ang malakas na panimula sa overtime para magdiwang ang 17,317 manonood.

Tumapos si LeBron James ng 33 puntos, wa­long rebounds at walong assists at si Chris Bosh ay may 18 puntos at pitong rebounds pero ramdam ng Heat ang ‘di paglalaro nina Dwyane Wade, Ray Allen at Chris Andersen para  makitang matapos ang kanilang anim na sunod na panalo.

Si Wade ay nagpa­hinga, si A llen ay mayroong tendinites sa kanang tuhod at si Andersen ay may na­nanakit na likod.

Ayon kay Heat coach Erik Spoelstra, ang tatlo ay hindi pa tiyak kung makakapaglaro laban sa Portland sa Sabado.

Nanalo ang Kings kahit may 23 errors sila at binawi nila ito sa mas magandang field goal shooting sa Mia­mi, 49.4 percent laban sa 44.2 percent.

Nanaig din ang Kings sa rebounding, 51-35.

Matapos itabla ang laro sa regulation, humataw naman ng tres si Gay bago kumana ng pull-up shot si Thomas para agad na lumayo sa extension ang Kings.

Sinikap ni James, na noong isang araw ay kinilala ng Association Press  bilang 2013 Male Athlete of the Year, na pag-initin ang Heat sa walong puntos sa sumunod na tagpo pero hindi na nila kinaya pang pigilan ang momentum na bitbit ng Kings tungo sa kabiguan.

Sa iba pang laro, nanalo ang Oklahoma City sa Charlotte, 89-85; Orlando sa Detroit, 109-92 at Utah sa Lakers, 105-103.

 

Show comments