MANILA, Philippines - Napanatili ni Kirstie ElaiÂne Alora ang titulo sa taekwondo para pangunahan ang tatlong ginto na hinablot ng Pilipinas sa kampanyang maglalagay sa Pilipinas sa pinakamasamang pagtaÂtapos sa kasaysayan ng paglahok sa South East Asian Games.
Sa ikalawa sa huling araw ng kompetisyon sa 27th SEAG sa Nay Phi Taw, Myanmar kahapon ay nanalo ang pambansang koponan ng tatlong ginto para umangat sa 29 ginto bukod pa sa 32 pilak at 36 bronze medal.
Pero napako na sa ika-pitong puwesto ang bansa sa overall standings dahil walang naibigay na dagdag na ginto ang mga judokas at chess team.
Sinabayan pa ito ng dalawang ginto ng Singapore sa table tennis upang selyuhan ang pang-anim na puwesto sa overall bitbit ang 34 ginto bukod sa 29 pilak at 44 bronze medals.
Sinandalan ni Alora ang head kick sa pangalawang round para hawakan ang 5-3 kalamangan na kanyang naprotektahan upang kunin ang 6-4 panalo laban sa London Olympian ng Cambodia na si Sorn Davin sa gold medal bout sa women’s heavyweight (+73kg.) division.
Ito ang ikalawang sunod na SEA Games na napagharian ni Alora ang nasabing weight class para ibigay din sa national taekÂwondo team ang ikatlong ginto.
Ang baguhan na si Kristopher Robert Uy ang siyang nagtiyak na mapapantayan ng delegasyon ang apat na ginto na napanalunan sa 2011 Indonesia SEA Games matapos ang 7-6 come-from-behind panalo sa mas matangkad na si Quang Duc Dinh.
Mabilis na head kick na nasundan ng 45-degree sa katawan ni Quang ang nagbangon sa UAAP gold medalist ng La Salle sa 2-6 iskor.
Ito na ang huling araw ng kompetisyon ng taekÂwondo at nahigitan ng Pambansang delegasyon ang nakuhang 4-3-5 sa Indonesia sa tinapos na 4-4-7 sa edisyon.
Buong giting na binalikat ni lady muay artist Preciosa Ocaya ang laban ng bansa nang kunin ang ginto sa women’s 54kg. class nang talunin si Phithsaya Phoumchanh ng Laos.
Pinagsalitan ng 24-anÂyos at bronze medalist noong 2009 Thailand SEA Games ang pagkuha ng puntos gamit ang suntok at sipa sa mas maliit na katunggali upang matiyak na maghahatid ng karangalan ang muay delegation na muntik nang hindi isinama sa kompetisyon.
Ang panalo ay nagsantabi sa nalasap na home-town decision ni Philip Delarmino kay Saw Dar Pot sa finals ng men’s minus 54 kg. category at ang pagkatalo ni Jonathan Polosan kay Thai fighter Panupong Padjad sa 63.5 kg class.
Si judoka Angelo Gabriel Gumila ay tumapos lamang sa bronze medal sa men’s -90kg. habang si Ruth Dugaduga ay hindi pinalad na magkamedalya.
Sina GMs Darwin Laylo, John Paul Gomez, Eugene Torre at Joey Antonio ay nagkasya rin lamang sa pilak sa Asean chess team.
Pumasok naman sa 100-mark ang Thailand sa kanilang 103 ginto, 93 pilak at 80 bronze medals habang ang Myanmar ang nasa ikalawang puwesto sa 82-59-83 at ang Vietnam ang pumapangatlo sa 72-84-82 medal tally.
Ang Indonesia ang nasa ikaapat na puwesto sa 64-82-110 kasunod ang Malaysia sa 42-38-75 medal count.