^

PSN Palaro

3 pang ginto sa PHL laban para sa no. 6 ‘di pa isinusuko

ATan - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines - Pinangatawanan ni Rubilen Amit ang pagiging World 10-ball champion nang dominahin si Angeline Magdalena ng Indonesia, 7-2, upang saluhan ang dalawang judokas na kuminang din sa pagpapatuloy ng 27th SEA Games kaha­pon  sa Nay Phi Taw, Myanmar.

Ipinaghiganti ni Amit ang 2-7 pagkatalo ng kababa­yang si Iris Ranola nang durugin din sa ganitong iskor (7-2) si Magdalena at biguin ang tangkang pagwalis sa dalawang pool events sa women’s division.

Si Magdalena ang gold medalist sa 9-ball na kung saan hanggang quarterfinals lamang ang inabot nina Amit at Ranola na nagdadalamhati pa sa pagkamatay ng kanyang ama bago nagsimula ang SEAG.

Kuminang naman ang batang si Kiyomi Watanabe at beteranong si Gilbert Ramirez sa judo para magkaroon ng tatlo pang ginto ang Pilipinas at iangat ang gold medals sa 26 sa kabuuan bukod sa 30 pilak at 32 bronze medals.

Pero nanatili ang bansa sa ika-pitong puwesto dahil na rin sa limang ginto na sinagwan ng sailing team ng Singapore na ngayon ay mayroong 31 ginto, 28 pilak at 42 bronze medals.

Ang 16-anyos na Fil-Japanese na kapapanalo lamang ng silver medal sa Asian Youth Judo Cham­pionships sa Hainan, China mula Disyembre 11 hanggang 13, ay nanaig kay Thi Hoa Bui ng Vietnam sa women’s  minus 63kgs division.

Si Watanabe na naka­tiyak na rin ng puwesto sa Youth Olympic Games sa Nanjing, China sa 2014 bunga ng tinapos sa Asian Youth, ay nahigitan ang bronze medal na nasilo noong 2011 sa Indonesia.

Dinagdagan pa ni Ra­mirez ang ginto ng judo team nang kalusin si Banpot Lertthaisong ng Thailand sa men’s 73kgs class.

Ang dalawang ginto ang nagbigay-buhay sa laban ng koponan na naunang kinakitaan ng pagkatalo nina 2011 gold medalist Nancy Quillotes-Lucero at Helen Dawa sa gold medal bout.

Bagamat nakalayo uli ang Singapore, malaki pa rin ang posibilidad na makahabol pa ang Pambansang atleta dahil tatlong muay fighters na sina Philip Delar­mino, Jonathan Polosan at Preciosa Ocaya ay nasa finals.

Palaban din ang bansa sa chess, judo at taekwondo.

Napalaban din si judoka Jenielou Mosqueda, mga sailors Richly Balladares at Ridgely Magsanay at wind surfer Geylord Coveta sa finals pero minalas na natalo para sa mga silver medals.

Wala ng makakapigil sa Thailand sa overall title sa nakuha ng 86 ginto, 86 pilak at 68 bronze medals pero ang laban sa pangalawang puwesto ay mainitang pinag­lalabanan pa.

Ang host Myanmar ang umangat sa ikalawang puwesto sa 69-52-65 karta laban sa 66-70-71 ng Vietnam.

Nasa ikaapat ang Indo­nesia sa 61-66-92 at ang Malaysia ang nasa ikali­mang puwesto sa 36-36-65 medalya.

ANGELINE MAGDALENA

ASIAN YOUTH

ASIAN YOUTH JUDO CHAM

BANPOT LERTTHAISONG

GEYLORD COVETA

GILBERT RAMIREZ

HELEN DAWA

IRIS RANOLA

SHY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with