Perlas binugbog ang Myanmar para sa silver

MANILA, Philippines - Dinurog ng National women’s team ang host Myanmar, 80-31, para ibulsa ang pilak sa pagtatapos ng 27th SEA Games women’s basketball kahapon sa Zayar Thiri Indoor Stadium sa Nay Phi Taw, Myanmar.

Sina off-the-bench players Cassy Tioseco at Camille Sambile ay nagtambal sa 13 puntos sa unang yugto upang ang tropa ni coach Haydee Ong ay lumayo agad sa 21-8.

Hindi na pinabangon pa ng koponan ang kalaban dahil kinargahan pa ng manlalaro ang intensidad para tapusin ang kampanya bitbit ang 3-1 baraha.

Ang tanging kabiguan ng koponan ay nangyari sa kamay ng Thailand, 36-75, upang mapantayan ang naabot ng Perlas noong 2011 sa Indonesia.

Ang Thais ang siya ring nag-uwi ng ginto matapos nag 4-0 sweep na tinuldukan sa pamamagitan ng 66-52 panalo sa Indonesia habang ang Malaysia ang kumuha sa bronze medal.

Si Sambile na MVP ng UAAP para sa FEU, ang na­nguna sa koponan sa 22 puntos, mula sa 10-of-17 shooting, habang 13 ang ibinigay ni Tioseco.

May 10 puntos at 12 rebounds si Analyn Almazan at ang Nationals ay kumulekta ng 54-10 bentahe sa inside points,  may 21-4 sa assists habang ang depensa ay nakitaan ng 30 turnovers ng Myanmar tungo sa 37 turn­over points.

Ang Pilipinas ay nagkaroon ng isang ginto at isang pilak sa basketball matapos  manalo ang men’s team sa ika-16th pagkakataon gamit ang 6-0 sweep.

 

Show comments