Ariza nanganganib masibak sa kampo ni Rios

MANILA, Philippines - Malaki ang posibilidad na mawala na rin sa kampo ni Brandon Rios ang strength and conditioning coach na si  Alex Ariza.

Ito ay matapos bumagsak si Rios sa isinagawang urinalysis na ikalima at huling pagsusuri na ginawa ng Voluntary Anti-Doping Agency (VADA) matapos ang la­ban nila ni Manny Pacquiao noong Nobyembre 24 sa Macau, China.

Lumabas na may nakitang dimenthylamylamine na ginagamit sa pagbabawas ng timbang pero hindi pinahihin­tulutan sa boxing sa ihi ni Rios.

Bago ito ay wala naman naging problema si Rios sa naunang apat na pagsusuri.

Nagulat si Rios sa resulta ng huling pagsusuri at tiniyak niyang hindi niya sinadya ito dahil wala siyang balak na mandaya sa sport na pinasok.

“I didn’t do anything wrong for the Pacquiao fight. It could be the energy drink I used, but that was nothing unusual,” wika ni Rios sa panayam ni Phil Jay.

Bago ang laban ay sinasabing nahirapan si Rios na abutin ang timbang sa welterweight.

Bunga ng nangyari nais ni Rios kausapin si Ariza para madetermina kung saan nagmula ang ipinagbabawal na bagay na nakita sa kanyang ihi.

Bago napunta kay Rios, si Ariza ay kasama ng Team Pacquiao bago pinatalsik ni Freddie Roach sa pagpasok  ng taong ito.

Multa at suspension ang ipapataw kay Rios kung sakaling hindi makumbinsi ang mga jury na haharap sa kanya sa gagawing imbestigasyon.

 

Show comments