Brooklyn sinagasaan ang Clippers; Portland pinasabog ang Rockets

NEW YORK--Tig-21 pun­tos ang gina­wa nina Andray Blatche at Joe Johnson at ang Brooklyn Nets ay kumuha ng 102-93 panalo laban sa Los Angeles Clippers noong Huwebes.

Nakadagdag kulay sa larong ito ang unang pag­kikita sa magkabilang kampo ni coach Doc Ri­vers at mga manlalarong sina Paul Pierce at Kevin Garnett.

Matatandaan na ang tatlong personalidad na ito ay nagsama sa Boston Celtics at napagkampeon nila ang dating koponan noong 2008 season.

Nagkahiwa-hiwalay sila bago nagsimula ang season dahil nais ng Cel­tics na magpasok ng bago at batang manlalaro para paghandaan ang hinaha­rap.

Sina Pierce at Garnett ay napunta sa Nets habang ang Clippers ang kumuha kay Rivers.

May mga naunang usa­pan na ang tatlo ay magsasama-sama sa Clippers pero hindi ito natuloy.

Tumapos si Pierce bitbit ang 10 puntos habang isi­nantabi ni Garnett ang pagkakaroon lamang ng dalawang fouls sa pagbibigay ng pisikal na depensa kay Blake Griffin.

Sina Brook Lopez at Deron Williams ay mayroon pang 16 at 15 puntos at ang Nets ay nanalo sa ikatlong sunod na pagkakataon sa season.

Si Chris Paul ay mayroong 20 puntos pero da­lawa lamang ang kanyang assists para matalo ang Clippers sa unang pagkakataon matapos ang siyam na laro na gumawa si Paul ng 20 pataas.

Ang tagumpay nina Pierce at Garnett kay Ri­vers ay nagtulak sa kanila na hawakan ang 2-0 record sa ‘reunion tour’ sa mga dating Celtics.

Sa Portland, Oregon, tuma­pos si LaMarcus Aldridge ng 31 puntos at career-high 25 rebounds upang pangunahan ang Blazers sa 111-104 panalo laban sa Houston Rockets.

Nagdagdag si Robin Lopez ng 16 puntos at 10 rebounds para sa Blazers, na inupuan ang pangunguna sa Western Conference standings sa taglay na 19-4 record.

Naglista si Dwight Ho­ward ng 32 pun­tos at 17 rebounds para sa Rockets, tinalo ang Blazers, 116-101 noong  Nov. 5.

Show comments