Farenas ‘di sasayangin ang pagkakataon vs Mexican

MANILA, Philippines - Pagkakataon ngayon ni two-time world title challenger Michael Farenas na ipakita sa lahat na taglay pa niya ang bangis para ma­ging kampeon sa pagharap sa Mehikanong si Jesus Rios ngayong gabi sa  Solaire Resorts and Casino.

Main event ang nasa­bing tagisan ng First Blood: Philippines versus Mexico at unang boxing promotion ng bagong tatag na MAG Pacman Boxing Inter­national Promotions na bi­nubuo nina  Pambansang ka­mao Manny Pacquiao, two-division champion Gerry Peñalosa at boxing promoter Anson Tiu-Co.

“Hindi na siya bumabata at naniniwala kami na dapat siyang bigyan ng break. After his fights against Takashi Uchiyama at Yuriorkis Gamboa, tingin ko ay time na niya ngayon,” wika ni Peñalosa.

Sina Uchiyama at Gam­boa ang mga nakaharap ni Farenas para sa WBA super featherweight title noong 2012 at nauwi sa tabla ang laban kay Uchiyama habang natalo siya sa pamamagitan ng unanimous decision kay Gamboa.

May 36 panalo sa 45 laban, kasama ang 28 KOs, si Farenas ay tumimbang sa eksaktong 130-pound limit sa weigh-in kahapon sa magarang Resort and Casino.

Si Rios na mayroong 26 panalo sa 32 laban, kasama ang 20 KOs, ay tumimbang din sa 130-pounds.

Dalawa pang Filipino boxers ang makakasukatan ng mga Mexican pugs bilang mga undercards sa pa-boxing na may suporta ng Tobi, Boysen, CherrylumE, Siscor Mechanical Fabricatiors at Cooyeesan Hotel Plaza-Baguio City.

Magbabalik ang walang talong si  Dodie Boy Peñalosa Jr. (11-0-0, 11KOs) matapos ang walong buwang pahinga para sukatin si Alem Robles (6-3-2, 2KOs) habang si Richard Pumicpic (13-5-2, 4KOs) ay makakabangga si Luis Lugo (15-4-2, 11KOs).

 

Show comments