PSL Grand Prix semis lalarga ngayon unahan sa pagsampa sa finals

Laro Ngayon

(Ynares Sports Arena, Pasig City)

2 p.m. TMS-Army

vs Cagayan

4 p.m. PLDT-MyDSL

vs Cignal

 

MANILA, Philippines - Patutunayan  ng walang talong PLDT-MyDSL na tunay ang kanilang pamamayagpag habang manatiling buhay ang planong pagdepensa sa hawak na titulo ang nasa isipan ng TMS-Army sa pagsapit ng Philippine Super Liga (PSL) Grand Prix women’s volleyball semifinals ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

“Naniniwala akong kaya naming tapatan ang ipakikitang laro ng kalaban namin,” may kumpiyansang sinabi ni Speed Boosters coach Roger Gorayeb na haharapin ang Cignal sa alas-4 ng hapon.

Unang magtutuos ang Lady Troopers at Cagayan Valley sa alas-2 ng hapon at ang mga mananalo ay papasok sa Finals na paglalabanan sa Disyembre 14.

Sa pamamagitan ng ma­huhusay na American imports na sina Kaylee Manns at Savannah No­yes, ang PLDT ay hindi natalo sa limang laro sa classification round upang dumiretso na sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Core at may basbas ng International Volleyball Federation bukod sa ayuda ng Mikasa, Asics, Jinling Sports, LGR at Solar Sports.

Hindi naman ganoon kadali ang planong talunin ang HD Spikers na pinagpahinga ang Petron sa quarterfinals.

Sa nasabing laro ay nakitaan ng husay ang mga locals at ito ang kaila­ngan nilang ipakita uli para gumanda ang tsansang manalo.

Balikatan ang unang laro dahil parehong may mahuhusay na locals at imports ang TMS-Army at Cagayan.

Napahinga ang Lady Troopers dahil pumanga­lawa sila sa PLDT sa clas­sification round sa 4-1 baraha habang ang Lady Rising Suns ay naghasa ng kanilang laro sa quarterfinals at pinataob nila ang baguhang RC Cola sa apat na sets.

Babalik na si Thai import Wanida Kotruang mula sa knee injury ngunit sakaling hindi pa ito 100 percent, maaasahan ng Cagayan ang tikas nina Angelique Tabaquero at Aiza Maizo-Fontillas na siyang pumuno sa puwesto ni Kotruang sa huling laro.

 

Show comments