Phl wushu asam ang unang gold ng Pinas sa SEAG

MANILA, Philippines - Iaasa ng Pilipinas ang asam na unang mga ginto kina sanshou ar­tists Jessie Aligaga at Divine Wally sa pagsisimula ng wushu sa 2013 South East Asian Games sa Wunna Theikdi Indoor Stadium  sa Myanmar.

Sa 48-kilogram lalaban sina Aligaga at Wally at magpupursigi sila na ipasok ang Pilipinas na may ginto matapos ang Thailand at host Myanmar.

May dalawang ginto at dalawang pilak ang Thais habang dalawang ginto ang kinuha na ng Myanmar na nangyari sa larong Chinlone.

Isang dating world cham­­pion, si Aligaga ay paborito sa kalalakihan matapos kunin ang pilak sa 2013 World Wushu Championships na ginawa sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Ang kumuha ng ginto ay isang Chinese athlete at hindi ito kasali sa SEAG.

Baguhan naman si Wally sa SEAG pero nabin­yagan siya sa World Championships at tumapos taglay ang pilak kontra sa isang Chinese artist para bigyan din ng paniniwalang kayang magmedalya sa kanyang dibisyon.

“Ang binigay natin na order sa mga atleta natin ay dapat mas maraming gold tayo ngayon kumpara sa last SEA Games. Kaya target namin ay three to five gold medals,” wika ni Wushu Federation Phi­lippines (WFP) secretary-general Julian Camacho.

May dalawang ginto ang inani ng Pilipinas sa Indonesia SEAG.

May isa ng medalya ang delegasyon sa katauhan ni Evita Elisa Zamora sa wo­men’s 52-kilogram dahil tatlo lamang ang kasali at bye pa siya sa first round para kunin na ang bronze medal.

Sa Linggo pa sasalang si Wally para sa puwesto sa finals.

 

Show comments