LOS ANGELES--May 15 puntos at pitong assists si Chris Paul bago lumabas sa laro dahil sa injury para magkaroon ng tuwa at lungkot sa 93-80 panalo ng Los Angeles Clippers sa New York Knicks noong Miyerkules.
Nanakit ang kanang binti ni Paul sa ikatlong yugto pero naroroon sina Blake Griffin at J.J. Redick para kumpletuhin ang trabaho at ibigay sa Clippers ang ikawalong panalo sa 10 laro.
Tumapos si Griffin bitbit ang 15 puntos at 13 boards habang si Redick ay may 15 puntos pa.
Ang Knicks ay huling nakadikit sa 74-70 sa buslo ni J.R. Smith pero umiskor ng siyam na sunod na puntos ang Clippers para iwanan na ang dumayong katunggali.
Pinuri naman ng baÂgong Clippers coach na si Doc Rivers ang ipinakitang depensa ng bataan na susi sa panalo.
Gumawa ng 27 puntos si Carmelo Anthony habang may 20 puntos at 10 rebounds si Andrea Bargnani pero hindi sapat ito para pigilan ang paglasap ng Knicks ng ikapitong sunod na pagkatalo tungo sa masamang 3-11 baraha.
Sa New York, nagtapon si Jason Kidd ng softdrinks para i-delay ang laro at ang kapalit nito ay $50,000 na multa.
Pinagmulta ng NBA ang Brooklyn Nets coach nitong Huwebes dahil sinadya diumano ni Kidd na ibuhos ang kanyang iniinom na soda sa court.
Bumangga si Kidd kay Brooklyn reserve Tyshawn Taylor sa huling 8.3 segundo ng 99-94 pagkatalo ng Nets kontra sa Lakers nitong Miyerkules at natapon ang kanyang iniinom na soda.
Ngunit sa isang video, nakita na tila sinabihan ni Kidd si Taylor ng “hit me†nang pabalik na ito sa bench.
Nagresulta ito ng delay sa laro habang nililinis ang sahig na nagbigay ng pagkakataon sa wala nang time out na Nets para makagawa ng play.
Itinanggi ni Kidd na intensiyunal ang pagkakatapon ng kanyang drinks, pagkatapos ng laro.
Nagbiro pa siya na pawisin ang kanyang kamay.