Speed Boosters pahihigpitin pa ang kapit sa liderato

Laro Ngayon

(Ynares Sports Arena, Pasig City)

2 p.m. Cagayan

vs Cignal (W)

4 p.m. PLDT vs Petron (W)

6 p.m.  PLDTMyDSL

 vs Maybank (M)

 

MANILA, Philippines - Manatiling nangunguna sa liga ang pagtutuunan uli ng PLDT-MyDSL sa pagharap sa walang pana­long Petron sa Philippine Super Liga volleyball Grand Prix ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Ikatlong dikit na panalo ang makukuha ng Speed Boosters sakaling pataubin pa ang Lady Blaze Spikers sa kanilang tagisan dakong alas-4 ng hapon.

Ang Cagayan Valley at Cignal ang unang magpapang-abot sa ganap na ika-2 ng hapon at ang magwawagi ay makakasalo ng pahingang nagdedepensang kampeon na TMS Army sa ikalawang puwes­to sa 3-1 baraha.

Parehong may 2-1 kar­ta ang Lady Rising Suns at HD Spikers at balikatan ang inaasahang matutunghayan dahil sa kahalaga­han ng panalong makukuha.

Sa format ng liga, ang mangungunang dalawang koponan matapos ang single-round robin ay didiretso sa semis at ang maiiwang apat na koponan ay magtutuos sa quarterfinals.

Dahil sa insentibong makukuha ng mauunang dalawang koponan kaya’t totodo ng paglalaro ang tropa ni coach Roger Go­rayeb na nabiyayaan ng mahuhusay na locals at matitinding guest players.

Sina US players Kaylee Manns at Savannah Noyes ang mga nagdadala sa laro pero hindi nila isinasantabi ang mga locals para sa magandang teamwork.

Sina Sue Roces, Angela Benting, Charo Soriano at  Lou Ann Latigay ang mga katuwang nina Manns at Noyes kaya’t ang PLDT na lamang ang natatanging koponan na hindi pa natatalo sa anim na koponan sa women’s division sa palarong inorganisa ng Sports Core at may basbas ng International Volleyball Federation (FIVB).

Maghaharap naman ang PLDT MyDSL at Maybank sa ikaanim ng gabi sa men’s division.

Show comments