Rios, Garcia bilib kay Pacquiao

MANILA, Philippines - Wala ng ibang magpatotoo na nakabalik na nga sa dating mabangis na porma si Manny Pacquiao kundi ang kanyang tinalong boksingero.

Magkaisa sina Brandon Rios at trainer niyang si Robert Garcia na sinaluduhan ang husay na ipinakita ni Pacman noong Linggo matapos ang unanimous decision panalo kay Rios sa Cotai Arena sa The Venetian, Macau, China.

“He did great. I think we saw the best Pacquiao today,” pahayag ni Garcia na kinain ang mga naunang binitiwan na pahayag laban kay Pacquiao na hindi na ito tulad ng dati dahilan upang maniwala siyang mananalo ang alagang bok­singero.

Kahit si Rios ay gulat sa nakitang bilis ng Pambansang kamao at ang mga suntok galing sa kaliwang kamao ay tunay na may la­kas pa.

“Manny is quick. I did train for quickness, but he is so quick,” banggit pa ni Rios na natalo sa ikalawang sunod na laban.

Pinilit niyang ibangon ang puri nang ipangalandakan na hindi siya nasaktan ni Pacquiao sa kahit na anong yugto ng laban.

Tunay man ito, pero kita ng buong mundo ang nangyari sa kanyang mukha dahil sa malulutong na suntok mula sa kaliwa at kanang kamao ni Pacquiao.

Matapos ang laban ay sarado ang dalawang mata at dumudugo ang mag­kabilang kilay ni Rios.

“I was never hurt, I haven’t fought a southpaw in a long time,” dagdag ni Rios.

Pero nang tanungin ng mga mamamahayag kung anong suntok ang kanyang naramdaman, wala siyang kagatul-gatol na tinukoy ang pamatay na kaliwa ni Pacquiao.

“He got me a couple times with the straight left, that was his best punch,” dagdag nito.

Sa istatistika ng bakbakan, lutang ang angking bilis ni Pacquiao matapos magbitiw ng 790 na suntok laban sa 502 ni Rios sa kabuuan ng laban.

Sa first round lamang ay may 54 suntok ang pinakawalan ni Pacman at 20 ang tumama laban sa 32 ni Rios at lima lamang ang kumunekta.

Sa kabuuan, si Pacquiao ay may 281 tinama kay Rios laban sa 138 lamang ng kalaban.

 

Show comments