KRASNOYARSK, Russia--Nawala ang pulso ni Filipina bowler Maria Lourdes (Mades) Arles sa oras na kailangan niya ito nang dalawa lamang ang maipanalo sa kanyang mga laro sa quarterfinal round at tumapos na No. 8 sa women’s division sa 49th QubicaAMF Bowling World Cup international finals kahapon sa Sibiryak Center.
Nagposte si Arles ng 9037 pins sa 40 games para sa kanyang average na 225.93.
Tumapos naman si Benshir Layoso bilang pang-17 sa men’s group sa kanyang 7390 sa 32 games.
Sina Caroline Lagrange ng Canada at Or Aviram ng Israel ang hinirang na kampeon sa women’s at men’s division, ayon sa pagkakasunod.
Tinalo ni Lagrange si Singaporean Cherie Tan, 2-1 (242-207, 212-247, 215-213) para maging ikaanim na Canadian woman at pang-10 sa kabuuan na kumuha ng korona.
Nakaduwelo ni Tan si Lagrange nang talunin si Dominican Republic bet Aumi Guerra, 2-0 (214-208, 247-212). Una namang binigo ni Or si Russian Alexei Parshukov 2-0 (213-171, 220-206) kasunod si South Africa kegler Guy Caminsky, 2-1 (279-245, 214-277, 258-182).