MANILA, Philippines - Kinapitan ng suwerte ang UAAP champion National University para maigupo ang malakas na hamon ng Xavier University tungo sa 82-81 panalo sa overtime sa pagbubukas ng 2nd Philippine Secondary Schools Basketball ChamÂpionship noong Sabado sa Chiang Kai Shek College Gym.
Si Hubert Cani ay gumawa ng 21 puntos at ang kanyang pinakamalaking buslo ay ang follow-up sa sariling mintis sa huling .5 segundo sa extention upang ibigay sa Bullpups ang unang panalo sa Group A.
Ang winning play ang nagsantabi sa dalawang sablay sa 15-foot line na nagÂpanalo na sana sa NU sa regulation.
Ipinakita naman ng nagdedepensang kampeon Hope Christian High School ang kahandaan na mapanatiling hawak ang titulo nang durugin ang Jose Rizal UniÂversity, 78-63, sa laro sa Group B.
Hindi nagpahuli ang dating UAAP titlist na Ateneo nang ilampaso ang St. Stephen’s High School, 88-58, habang ang pumangalawa noong nakaraang taon na San Sebastian ay namayani sa Chiang Kai Shek College, 79-74, sa iba pang mga laro.