Bulilyaso! Letran humirit sa Bedans ng game 3

MANILA, Philippines - Mauuwi uli sa klasikong ikaw-o-ako na tunggalian ang championship series ng San Beda at Letran para sa 89th NCAA men’s basketball.

Lumabas ang matikas na laro ng Knights sa Game Two nang kunin ang 79-74 panalo sa Red Lions kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ang mga bench players ng Knights na sina John Tambeling, Jamil Gabawan at McJour Luib ay nakitaan ng init ng paglalaro para bigyan ng suporta sa mga starters at pawiin ang tinamong 68-80 pagkatalo sa Game One sa Lions.

“Ang naging problema namin sa Game One ay tentative kami. Sinabi ko sa kanila after our practice last Tuesday na puwede naman kaming pag-focus sa laro na nakangiti. Enjoy nila ang game at maglaro ng less pressure. Sa game na ito, credit sa kanila lalo na ang bench,” wika ni Knights coach Caloy Garcia.

Sina Tambeling, Ga­bawan at Luib ay nagsanib sa 19 puntos at ang huli ang siyang nagdala sa koponan noong nakaupo sa bench sa ikatlong yugto si Cruz dahil sa foul trouble.

May apat sa anim na puntos sa laro si Luib sa ikatlong yugto para bigyan pa ang Knights ng 54-51 kalamangan.

Nakatabla pa ang Lions sa 64-all pero gumawa ng dalawang free throws si Gabawan habang umiskor sa drive si Luib at naispatan ang libreng si Ruaya para pagningasin ang 8-0 bomba upang ibigay sa Knights ang pinakamala­king kalamangan sa laro na 72-64.

“Ang maganda sa team na ito, may puwedeng mag-step-up. Isa sa lagi naming sinasabi sa kanila is to trust each other. It doesn’t matter who scores for us along as we take the opportunity, take the open shots,” dagdag pa  ni Garcia na ang koponan ay tumapos taglay ang 54% shooting clip sa two-point field goals (26-of-48).

Si Cruz ay mayroong 16 puntos, 10 ay sa hu­ling yugto, habang sina Racal, Reneford Ruaya at MVP Raymond Almazan ay may tig-12 puntos.

May 23 puntos si Arthur Dela Cruz habang tig-10 ang ibinigay nina Ola Adeo­gun at Rome dela Rosa.

Pero si Dela Rosa ay napatalsik sa laro sa huling pitong minuto sa fourth period dahil sa fouls at ininda rin ng Lions ang malamig na paglalaro nina Baser Amer at John Ludovice.

Naunang binigyan ng kasiyahan ng San Beda Red Cubs ang mga tagahanga nang kumpletuhin ang 20-0 sweep sa 65-59 panalo sa CSB-LSGH.

 

Show comments