MANILA, Philippines - Nakikita ni San Beda coach Boyet Fernandez na mapapahirapan sila ng Letran sa magaganap na tagisan para sa 89th NCAA men’s basketball Finals na sisimulan bukas.
Hanap ng Lions ang ikaapat na sunod na titulo sa liga laban sa Knights na kanilang tinalo noong nakaraang taon.
Ito ang unang pagkakaÂtaon na gagabayan ni Fernandez ang Lions sa Finals matapos palitan si Ronnie Magsanoc na umayaw na at kahit mga beterano ang kanyang sasandalan, wala siyang nakikitang bentahe dahil beterano rin ang manlalaro ng Knights.
Isa sa manlalaro na kanyang kinatatakutan ay si 6’7 center Raymond Almazan na siyang pararangalan ng liga bilang Most Valuable Player bukod pa sa kasapi ng Mythical Team at Defensive Player.
Tinuran din niya ang guard na si Mark Cruz bilang isa sa magbibigay ng sakit ng ulo sa Lions habang sina Kevin Racal, Rey Nambatac, Jonathan Belorio at John Tambeling ay hindi rin puwedeng bigyan ng kumpiyansa dahil kaya nilang pumuntos.
Sina Almazan, Cruz, Racal at Belorio ang mga beterano noong nakaraang taong Finals sa pagmamando ni coach Louie Alas.
Samantala, inangkin ng CBS-La Salle Greenhills ang ikalawa at huling puwesto sa Finals ng NCAA juniors sa pamamagitan ng 76-72 panalo sa San Sebastian Staglets kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 21 puntos at 11 rebounds si Rashleigh Rivero pero nakuha niya ang suporta nina Alex Barrera, Michael dela Cruz at Kobe Paras upang pamunuan ang step-ladder semifinals.
Makakaharap ng Greenies ang nagdedepensang kampeon na San Beda Red Cubs na dumiretso sa Finals dahil sa 18-0 sweep at may bitbit pang thrice-to-beat advantage.
Bago ito ay tinalo muna ng third seed na Greenies ang Mapua Red Robin para makaharap ang StagÂlets na number two seed sa step-ladder semis.
“No one expected us to be here. Now we’re here, we just have to make the most out of it,†wika ni winning coach John Flores na nagparada ng bagong line-up matapos mawalan ng 11 player sa nagdaang taong koponan.
Si Barrera ay may 19 puntos at 10 boards, si dela Cruz ay may 18 habang si Paras, ang slam dunk champion sa FIBA 3-on-3, ay may 17 puntos.