MANILA, Philippines - Ihaharap ng nag-oorganisang SportsCore ang mga foreign players sa kani-kanilang koponan sa organizational meeting ngayon para sa Philippine Superliga Grand Prix 2013 sa Wack Wack Golf and Country Club.
Pangungunahan nina PSL president at SportsCore CEO Ramon ‘Tats’ Suzara at PSL Chairman Philip Ella Juico ang presentation ceremony, habang ipapakilala ni league Commissioner Ian Laurel ang anim na koponang kalahok sa women’s division at apat na tropang kasali sa unang men’s club division.
Hahataw ang PSL Grand Prix 2013 bukas sa The Arena sa San Juan at mabibili na ang mga tiket sa SportsCore office, Unit 220, City Land Vito Cruz Tower 1, 720 Vito Cruz St., Manila.
Maaari ring tumawag sa 353-3935.
Ang mga foreign players ay kumampanya na sa mga ligang may basbas ng FIVB (International Volleyball Federation) at ng AVC (Asian Volleyball Confederation).
Ang tatlong players mula sa China ay sina Li Zhan-zhan, isang 10-year veteran at consistent top player sa B-League ng China, Minghua Zhang at veteran Xie Lei.
Ang tatlo namang Japanese players ay sina Shinako Tanaka, isang Asian Games veteran, Misao Tanyama, ang MVP sa Mongol League at consistent awardee sa Japanese volleyball circuit, at Yuki Murakoshi.
Mapapanood din si Kaylee Manns ng US na naglaro sa US Professional Volley League at sa mga liga sa Switzerland, Germany, Norway at Brazil.
Kasama rin sa torneo sina Keawbundit Sontaya at Luangtonglang Wanitchaya, sumabak sa World Championships, ng Thailand.
Sa men’s tournament, matutunghayan naman si actor at multi-sportsman Richard Gomez para sa PLDT katapat ang Maybank, Systema at Gilligan’s Restaurant.