Almazan palalaparin ng Rain or Shine

MANILA, Philippines - Kilala ang Rain or Shine na may malalaki at malalapad na frontline.

At sa kanilang pagkakahugot sa patpating si Raymond Almazan bilang No. 3 overall pick sa 2013 PBA Rookie Draft kahapon, sinabi ni coach Yeng Guiao na kailangan ding lumapad ang sentro ng Letran Knights.

“We’re hoping that he can contribute to the team,” sabi ni Guiao sa 6-foot-7 na si Almazan. “He has the talent, the skills, he has the height, but he does not have the body.”

Balak ni Guiao na isabak si Almazan, pinsan ni Kerby Raymundo ng Meralco Bolts, sa frontline kapalit ng sinuman sa mga bigating sina 6’5 Beau Belga at 6’6 JR Quiñahan.

“We just have to build him a new body,” biro ni Guiao kay Almazan.

Aminado naman si Almazan na kailangan niyang mag­pataba kagaya nina Belga at Quiñahan na kilala bilang ‘Extra Rice Brothers’.

“Marami naman talaga ang nagsasabi sa akin na kailangan kong magpalaki ng katawan pagpasok ko sa PBA,” wika ni Almazan. “Hopefully, magawa ko agad ‘yon para makatulong ako sa Rain or Shine.”

Bukod kay Almazan, nabunot din ng Elasto Painters sina Alex Nuyles (No. 9), Jeric Teng (No. 12), Gayford Rodriguez (No. 19), ang aktor na si Edrick Vijandre (No. 29).

Samantala, ang dating nagkasagutan sa social media na sina Terrence Romeo ng FEU at Nico Salva ng Ateneo ay kapwa kinuha ng Globalport bilang No. 5 at No. 11 overall picks, ayon sa pagkakasunod.

“Wala ‘yun. Walang galit or something, biglaang init ng ulo lang,” sabi ni Romeo kay Salva na kanyang nakasagutan sa Twitter sa isang laro ng FEU sa nakaraang UAAP season. “It’s nothing personal.”

 

Show comments