Moreno, Gotuaco may tiket na sa YOG

MANILA, Philippines - Kinuha nina archers Luis Gabriel Moreno at Bianca Gotuaco ang puwesto sa 2014 Youth Olympic Games sa Nanjing, China sa susunod na taon matapos lumahok sa YOG Continental Quota Tournament sa Chinese Taipei kamakailan.

Ang 15-anyos na si Moreno na apo ng television personality na si German Moreno, ay nanalo ng ginto sa cadet boys division habang si Gotuaco ay nakakuha ng pilak na medalya.

Dominado ni Moreno ang kompetisyon at siya ang lumabas na numero uno matapos ang qualification bitbit ang 653 puntos.

Tinalo ni Moreno si Prennoy Murong ng Bang­ladesh sa semifinals, 6-2, para makuha na rin ang puwesto sa YOG.

Nakuha ni Moreno ang ginto nang talunin si Panjiaji Bukhori Rahmat ng Indonesia, 6-0.

Isa ang Pinoy na si John Philip Santiago ay sumali rin at tumapos sa ika-15th puwesto sa 18 naglaban.

Sa kabilang banda, si Gotuaco ay nanalo kay Oyuntungalag Chimedtseren ng Mongolia,  6-2, pero minalas siya na natalo kay Aruzhan Abrazak ng Kazakhstan ng isang arrow sa shootoff, 9-8, para sa 5-6 pagkatalo.

Ang YOG qualifying ay isinabay sa Asian Archery Championship.

 

Show comments