MANILA, Philippines - Kikilos na ang NCAA Management Committee para matapos agad ang imbestigasyon kay Ryusei Koga na inaakusahan na naglaro sa ibang liga habang idinadaos ang pinakamatandang collegiate league sa bansa.
Binuo na ng NCAA Mancom sa pangunguna ni chairman Dax Castellano ng host St. Benide ang komite na susuri sa ebidensya na ibinigay sa kanila patungkol sa ginawa ni Koga na manlalaro ng San Beda.
Kailangang kumilos agad ang Mancom para hindi madiskaril ang nakaiskedyul na Final Four.
“I can’t give you the exact date but we will update before the Final Four,†ginarantiyahan ni Castellano.
Si Koga ay sinasabing naglaro sa ibang liga noong Setyembre 17 at sa alituntunin ng NCAA, ang isang manlalaro na mapapatunayan na lumabag dito ay masususpindi ng tatlong laro at ang mga naipanalong laro ng koponan mula ng matuklasan ang infraction ay babawiin.
Lalabas na anim na laro ang hinarap pa ng Lions mula sa nasabing petsa at si Koga ay naglaro ng limang laro. Hindi siya nakasama sa huling laro laban sa Arellano noong Oktubre 26 na kung saan lumabas ang alingas-ngas sa ginawa ni Koga.
Sa limang laro na sinamahan ng guard, apat ang kanilang naipanalo.
Tumapos ang San Beda sa unang puwesto sa 15-3 baraha pero dahil apat na panalo ang babawiin kung mapapatunayan ang akusasyon, bababa ang Lions sa 11-7 baraha para makapantay ang Perpetual Help na siyang kukuha sa pangatlong seeding.
Ang Letran na pumangalawa sa 14-4 karta ang aa-ngat sa unang puwesto habang ang San Sebastian na mayroong ding 11-7 karta at tinalo sa playoff ang Altas, ang lalabas na number two upang magkaroon ng twice-to-beat advantage sa Final Four.