Alcala vs Carlos sa PBaRS semis

MANILA, Philippines - Dinaig nina Bianca Car­los at Malvinne Ann Alcala ang mga karibal nila para itakda ang kanilang semifinal showdown sa girls’ Under-19 singles ng MVP Sports Foundation-Philippine Badminton Ranking System (PBaRS) tournament kahapon sa Robinsons Place Manila.

Inangkin ng top-seeded na si Carlos ang kanyang ikatlong sunod na panalo sa bisa ng 21-16, 21-10 paggupo kay Alyssa Geverjuan patungo sa Final Four sa event na dinomina ng Golden Shuttle Foundation standout.

Tinalo naman ni Alcala, ang dating Singapore at Australian Junior champion, si Shane Salvador, 21-12, 21-8, sa eighth leg ng nationwide ranking tournament na may basbas ng Philippine Badminton Association sa ilalim ni Vice President Jejomar Binay katuwang sina sportsman Manny V. Pangilinan bilang chairman at Rep. Albee Benitez bilang sec-gen.,

Binigo naman ni se­cond seed Patrisha Malibiran si  No. 8 Marina Caculitan ng Woodrose School, 21-18, 21-17, para makalaban si No. 4 Janelle De Vera ng Whackers Badminton Academy, pinayukod si Mariya Sevilla, 21-16, 21-14, sa six-day event na suportado ng Philippine Olympic Committee, Philippine Sports Commission, PBA at official equipment sponsor Victor, eksklusibong ipinamamahagi sa bansa ng PCOME Industrial Sales, Inc. 

Samantala, kasaluku­yan pang nilalaro ang quarterfinals sa centerpiece Open division, na nagtatampok sa mga mahuhusay na players ng bansa kung saan ang Final Four ay itinakda ngayong alas-10 ng umaga sa Robinson Place.

Show comments