San Beda tandem reyna sa Petron Beach Volley

DASMARIÑAS, Philippines--Inangkin nina Janine Marciano at Frances Molina ng San Beda College ang korona ng Battle of the Champions sa 2013 Petron Ladies’ Beach Volleyball Tournament sa De La Salle-Health Sciences Institute sand-court.

Ito ay matapos umiskor sina Marciano at Molina ng 21-13, 21-12 tagumpay laban kina De La Salle-Dasmariñas bet Mariel Desengano at Maribeth Lara.

“Dumidikit lang kami. Kapag nakakita ng tiyempo para maka-ungos, pull away na kami,” sabi ni Molina, isang fourth-year marketing student.

Nakadikit sina Desengano at Lara sa 8-10 sa first set bago kumamada sina Marciano at Molina na nagbigay sa kanila ng 14-8 bentahe patungo sa 21-13 panalo.

Sa second set, mula sa 7-7 pagkakatabla ay lumayo ang San Beda sa 9-7 mula sa mga pagkakamali ni De­sengano.

Nangako sina Marciano at Molina na magbabalik sa susunod na taon para idepensa ang kanilang titulo sa torneong suportado ng Molten, Mikasa at Erase Xfoliant.

Umabante sina Marciano at Molina sa semifinals sa kanilang five-game sweep sa Group A patungo sa championship round matapos talunin sina Monique Pablo at Queenie Mondejar, 21-15, ng Letran-1.

Show comments