Tagaytay kampeon sa Asian Cities chessfest

TAGAYTAY, Philippines--Pinisak ng Tagaytay-Philippines ang Shah Alam Malaysia, 2.5-1.5 sa ninth at final round upang ibulsa ang korona sa 2013 Asian Cities Chess Team Championship na tinaguriang Dubai Cup kahapon dito.

Tinalo ni Grandmaster Oliver Barbosa si FM Nicolas Chan sa 39 moves ng Slav Defense sa Board 1 na sinabayan ng pagpapanalo ni GM Darwin Laylo sa kalabang si Mohd Nabi Azman Hisham matapos ang 28 sulungan ng Gruen­feld defense sa Board 4.

Nauwi naman sa draw ang laban nina GM John Paul Gomez at Fong Yit San sa pagtatapos ng 60 moves ng Queen’s Gambit Declined sa board 3 upang makuha ng host country ang panalo.

Hindi nakaligtas sa pa­ni­nilat ni Li Tian Yeoh si GM Mark Paragua nang yumuko ito sa 55 moves ng Caro-Kann defense sa Board 2 na nagbigay sa Malaysia ng isang puntos na panalo.

Ang panalo ay nagbi­gay sa Tagaytay ng kabu­uang 17 puntos sa event na ito na punong abala si NCFP secretary-general Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino, ang Fide Asian Zone 3.3 president sa pakikipagtulungan ng Tagaytay City government sa pangunguna ng kanyang maybahay na si Mayor, Dr. Agnes Tolentino.

Nakopo ng Tagaytay ang top prize $3,000 at Dubai Cup trophy.

Tumapos ang Shanghai at Wuxi, China sa ika-2 hanggang ika-3 puwesto na may 15 points.  Niyanig ng Shanghai ang Sharjah, UAE, 2.5-1.5,  at binokya ng Wuxi ang Singapore, 4-0.

Show comments