Laban ipapalabas sa GMA7 Casimero itataya ang korona laban sa Mehikano

MANILA, Philippines - Kinailangan pa ni world light flyweight champion John Riel Casimero na magpapawis para makuha ang required weight na 108 pounds sa kanilang weigh in ni Mexican challenger Felipe Salguero kahapon.

Sa kabila nito, tiwala pa rin si Casimero na hindi ito makakaapekto sa kanyang pagsagupa kay Salguero, tumimbang din ng 108 pounds, ngayong hapon sa Makati Coliseum.

Ayon sa 23-anyos na tubong Ormoc City, Leyte, nakita na niya kung paano gumalaw ang 31-anyos na si Salguero matapos talunin ni World Boxing Organization light flyweight Donnie Nietes via unanimous decision noong Hun­yo 2, 2012 sa Resorts World Hotel and Casino sa Pasay City.

“Nakita ko na siyang lumaban at alam ko na kung ano ang gagawin ko sa laban namin,” sabi ni Casimero (18-2-0, 10 KOs), idedepensa ang kanyang suot na International Boxing Federation light flyweight crown kay Salguero (18-4-1, 13 KOs).

Ito ang ikatlong sunod na pagkakataon na itataya ni Casimero ang kanyang titulo matapos manalo kina Pedro Guevara sa Mexico noong Agosto ng 2012 at Luis Alberto Rios sa Panama noong Marso 16 nitong taon.

Masasaksihan ang labang tinaguriang, “Laban ng Lahi: Tapatan ng Tapang,” sa GMA Channel 7 mamayang 10:15 ng gabi pagkatapos ng Celebrity Bluff.

Maaaring sundan ang live blow-by-blow account ng salpukan nina Casimero at Salguero sa DZBB 594, ang flagship AM station ng GMA, simula 4 PM.

Ang huli namang pagkapanalo ni Salguero ay noon pang 2012 nang patumbahin niya si Carlos Melo sa loob lamang ng 5 rounds.

Show comments