MANILA, Philippines - Nagpasikat ang baguhang si Don Trollano para sa Cagayan Valley habang ang beteranong si Jett Vidal ang sinandalan ng Zambales M-Builders para magsipanalo ang kani-kaÂnilang mga koponan sa pagbubukas kahapon ng PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Arena sa Pasig City.
Tumipa ng 22 puntos at 11 rebounds si Trollano na naglaro sa Adamson sa UAAP habang may 20 puntos pa ang datihang si Adrian Celada upang maisantabi rin ng Rising Suns ang paglipat ng daÂting mga kapanalig na sina Ping Eximiniano at Eliud Poligrates sa Bakers.
May 16 at 14 puntos sina Eximiniano at Poligrates habang 14 pa ang ibinigay ni Josan Nimes pero hindi pa nakuha ng mga manlalaro ng NAASCU champion CEU ang kanilang laro para lasapin ang unang pagkatalo.
Sina Mark Bringas at John Foronda ay may 11 at 10 puntos pa para sa tropa ni coach Alvin Pua na nanalo kahit hindi pa nagamit ang mga NCAA players na sina Mike Ighalo, Prince Caperal, Mike Mabulac, John Pinto at Mark Cruz.
Samantala, si Vidal ay gumawa ng apat na tres sa huling yugto para maisantabi ng Zambales M-Builders ang 56-64 iskor tungo sa 79-73 panalo sa Derulo Accelero Oilers sa ikalawang laro.
Tumapos si Vidal bitbit ang 21 puntos habang ang ibang mga guards na sina Mike Tolomia at Jericho Cruz ay nagtambal sa 30 puntos.
Apat na manlalaro ng Oilers sa pangunguna ni Raul Soyod na gumawa ng 17 puntos, ang nasa doble-pigura ngunit hindi napigilan ng depensa ang mainit na dating Perpetual gunner na si Vidal at maunsiyami ang tangkang debut win ng dating UAAP at PBA hotshot na si Paolo MenÂdoza bilang coach.