Boosters lalapit sa titulo

MANILA, Philippines - Lalapit ang Petron Bla­ze Boosters sa isang hakbang para makuha ang titulo sa muling pagsagupa sa San Mig Coffee sa Game Four ng PBA Go­vernor’s Cup Finals ngayong gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Hinawakan uli ng Boos­ters ang kalama­ngan (2-1) sa best-of-seven series nang dugurin ang Mixers, 90-68, noong Miyerkules upang lumapit sa dalawang laro para sa pangalawang titulo ng Petron at pang-20 naman ng San Miguel Corporation na siyang may-ari ng prangkisa.

Ang laro ay itinakda sa ganap na alas-8 ng gabi pero bago ito ay pararangalan muna ng PBA ang pinakamahuhusay na manlalaro sa simpleng seremonya.

Tampok na parangal ay ang Most Valuable Pla­yer award na pinaglalaba­nan nina Petron’s Arwind Santos, Barangay Ginebra’s LA Tenorio at Talk N’Text’s Jason Castro, mga manlalarong hinirang bilang Best Player of the Conference sa tatlong conferences na idinaos sa taon.

“It’s our dream to go all the way to the championship. We always want to play hard and giver our best, and if there’s the opportunity to get it, we’ll definitely go for it,” pahayag ng first year coach na si Gee Abanilla.

Hindi pa tiyak kung ma­kakalaro na si Alex Cabagnot na may iniindang plantar fasciitis sa kanang paa.

Ngunit hindi mararam­daman ang kanyang pag­kawala kung magpapatuloy ang nagbabagang opensa ng koponan na pinamumunuan ni import Elijah Millsap na siya ring tumayong pointguard sa huling tagisan.

Tumapos ang 6’4 na si Millsap bitbit ang 28 puntos, 8 rebounds, 3 asists at 2 steals. May apat na turnovers din siya sa 34 minutong paglalaro.

Ngunit binalewala niya ang mga pagkakamali sa kinamadang limang tres at ang Boosters ay tumapos taglay ang sampung 3-pointers para pantayan ang ginawa sa Game One na kanila ring pinagwagian, 100-84.

Wala naman na kay San Mig Coffee coach Tim  Cone ang nangyari sa hu­ling laro at ang focus niya ay ang Game Four.

“It’s a seven-game series,” wika ni Cone. A three-point loss is the same as a 22-point blowout. We win by one the next game and we would forgot this game.”

Ang pinarangalan bilang Best Import ng Confe­rence na si Marqus Blakely ang siyang aasahan na magdadala sa koponan pero kailangan ding bu­malik ang shooting touch ng kamador na si James Yap

Si Yap na gumawa ng 17 puntos sa Game Two na pinagwagian ng Mixers, 100-93, ay nagtala lamang ng 10 puntos.

Bukod sa pagbalik sa opensa, pangunahing da­pat na gawin ng Mixers ay ang pagtatag muli ng kanilang depensa.

Nawala ang angas ng kanilang depensa matapos magpista sa pagpuntos ang ibang manlalaro ng Petron sa pangunguna ni 6’10 June Mar Fajardo na sumablay lamang ng da­lawa sa 11 attempts tungo sa 19 puntos bukod sa 9 rebounds.

“If we come in with just 50 percent focus and concentration, this is going to be the results. But we’ll move on and focus on the next one,” ginagarantiya pa ng 55-anyos na si Cone.

Pakay ng beteranong mentor na masungkit ang ika-15 titulo at pangalawa sa koponan matapos ga­bayan ang B-Meg Llamados sa Commissioner’s Cup title noong nakaraang taon.  

 

Show comments