MANILA, Philippines - Kailangang ilabas ng Philippine Azkals ang pinakamabangis na laro sa Pakistan para mapanatiling suot ang titulo sa Philippine Peace Cup na magdaraos ng huling laro ngayong gabi sa Panaad Park and Stadium sa Bacolod City.
Sa ganap na alas-7 ng gabi itinakda ang laro at kailangan ng Pilipinas na makalamang ng dalawang goals para makuha uli ang titulo.
Nalagay sa ganitong sitwasyon ang nagdedepensang kampeon matapos ang di inaasahang 1-2 pagkatalo sa kamay ng Chinese Taipei.
Nanalo naman ang Pakistan sa Taiwanese booters sa 1-0 iskor para mameligro ang laban ng Nationals.
Kung manalo lamang ng isang goal ang Pilipinas, ang Chinese Taipei ang lalabas na kampeon sa head-to-head record sa tatlong naglalabang koponan.
Kung nauwi sa tabla ang laban o natalo ang Nationals, ang Pakistan ang siyang kikilalaning kampeon.
Mas malakas ang koponang ipinarada ng host country ngayon kumpara noong nakaraang taon na winalis ang tatlong laro tungo sa titulo.
Kasama sa tinalo noong nakaraang taon ng Azkals ay ang Chinese Taipei, 3-1, ngunit nabawian sila sa taong ito.
Tutulong para mapataas ang morale ng Azkals ang libu-libong panatiko ng Bacolod upang maiwagayway pa rin ang bandila ng bansa sa Peace Cup.