MANILA, Philippines - Naipakita rin ng Smart-Maynilad ang kakayahang ilabas ang pinakamagandang laro sa ikalima at huling set nang kalusin ang Philippine Army, 21-25, 25-20, 25-13, 21-25, 15-10 panalo sa pagtatapos kagabi ng Shakey’s V-League Season 10 Open Conference semifinals sa The Arena sa San Juan City.
Pinalakas ng paglalaro ni 6’3 Dindin Santiago ang opensa at depensa ng Net Spikers pero sa mahalagang yugto sa laro ay sinandalan ng koponan si Alyssa Valdez para wakasan ang best-of-three series sa 2-1 iskor.
Gumawa ng 23 kills at isang service ace si Valdez at siya ang umako sa huling limang puntos ng koponan upang pumasok sa Finals at itakda ang pagkikita ng Smart at Cagayan Province.
“Laging nire-remind lang ni coach Roger (Gorayeb) na mag-stay relax kami. Nakatulong din ang magandang fluidity ng team,†wika ni Valdez na mayroon ding 10 digs.
Ang Game One ng best-of-three Finals sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s ay sisimulan bukas.
Si Santiago na naglaro sa unang pagkakataon sa Net Spikers ay naghatid pa ng 19 hits, kasama ang tatlong blocks, habang si Thai import Lithawat Kesinee ay mayroong 22 hits, tampok ang 17 kills at dalawang aces.
May pinagsamang 17 hits sina Banaticla at Sue RoÂces na gumawa rin ng tatlong blocks habang ang liberong si Melissa Gohing ay mayroong 19 digs.
Si Jovelyn Gonzaga ay tumapos taglay ang 17 hits, mula sa 11 kills, 5 blocks at 1 ace, bukod sa 12 digs pero kinulang siya ng suporta para mauwi sa battle-for-third place ang koponan sa ligang may ayuda pa ng Accel at Mikasa.
Naunang nakalamang ang Army, 25-21, pero buÂmangon ang Smart sa second at third sets dahil sa magandang pag-atake nina Valdez, Kesinee, Santiago at Maru Banaticla.
Pero tila mauulit ang nangyari sa Game Two na kung saan natalo ang Net Spikers kahit hinawakan ang 2-1 kalamangan, nang manlamig ang laro nila matapos lumamang sa 10-7.
Lumayo ang Lady Troopers sa 23-15 at kahit sinikap ng Smart na dumikit nang kunin ang anim na sumunod na puntos, nagtala naman ng service error si Valdez bago nagpakawala ng kill si Rachel Anne Daquis para maitakda ang fifth set.
Ang hit ni Daquis ang nagbukas sa huling set pero ito lamang ang natatanging pagkakataon na nakalamang ang 2011 champion. Huling tabla sa laro ay sa 5-all bago kumawala ng tatlong sunod na puntos ang Smart sa pagtutulungan nina Banaticla at Santiago.