Winner-take-all Archers, Tigers palaliman ng puso at determinasyon

Laro Ngayon

(Oktubre 12)

Mall of Asia Arena,

 Pasay City

3:30 p.m. La Salle vs UST

 

MANILA, Philippines - Ang koponang magpapakita ng malaking puso at determinasyon ang siyang kikilalanin bilang pinakamahusay na koponan sa 76th UAAP men’s basketball.

Asahan ang maaksyon na bakbakan sa pagitan ng La Salle at UST na magtutuos sa huling pagkakataon na itinakda sa ganap na alas-3:30 ng hapon sa Mall of  Asia Arena sa Pasay  City.

Nalagay sa ikaw-o-ako ang best-of-three cham­pionship series nang kunin ng Archers ang 77-70 panalo sa Game Two na nilaro noong nakaraang Sabado at ginamitan lamang ng pitong manlalaro.

Ngunit ang anumang mo­mentum ay naglaho na dahil sa isang linggong pagitan kaya’t mauuwi sa magandang preparasyon sa mental toughness ang tagisan.

Ang Tigers na nais na maging kauna-unahang koponan na nagkampeon bilang fourth ranked team sa Final Four ay mayroong championship experience matapos umabante sa Finals noong nakaraang taon bago natalo sa Ateneo.

Ito ang sasandalan ng mga kamador ng Tigers na sina Jeric Teng, Karim Abdul, Aljon Mariano, Kevin Ferrer at Clark Bautista upang masungkit ang ika-19th titulo sa pangalawang kampeonato matapos ang 2006 season na kung saan rookie coach pa si Alfredo Jarencio.

“Wala ng momentum-momentum dito dahil winner-take-all na ito. Parehas na ang labanan at kung sino ang makikitaan ng mental toughness, kung sino ang gustong manalo, ang mananalo. Basta ako, kailangan lamang naming magawa ang mga maliliit na bagay para makuha ito,” wika ni Jarencio.

Ang maliliit na bagay marahil ay ang pagputok sa opensa nina Ferrer, Mariano at Bautista bukod pa sa suporta ng bench na nawala sa ikalawang pagtutuos.

Sa kabilang banda, ang mga higanteng sina Almond Vosotros, Norbert Torres at Jason Perkins ay dapat na magdomina bukod sa pagpuntos pa nina Almond Vosotros, LA Revilla at Jeron Teng.

“We don’t have any momentum going into this game. Our mindset remains the same, we just want to do our best for this game and see where it brings us,” wika ni Sauler na nasa unang taon bilang mentor ng Archers.

Noon pang 2008 huling nanalo ng titulo ang La Salle at makadaragdag inspiras­yon sa mahalagang larong ito ang nakuhang panalo ng 1999 champion team sa UST nang bumangon ang koponang pinamunuan nina Ren Ren Ritualo, Don Allado at team skipper at ngayon ay San Juan Vice Mayor Francis Zamora mula sa 0-1 iskor matapos walisin ang huling dalawang laro.

Show comments