Dominasyon ng Cagayan ididiretso sa Final 4

Laro Ngayon

(The Arena, San Juan City)

3 p.m. Cagayan vs Air Force

5 p.m. Smart-Maynilad vs Army

 

 

MANILA, Philippines - Ipagpatuloy ang dominasyon ang pilit na gagawin ng walang talong Cagayan Province sa pagbubukas ng Final Four ng Shakey’s V-League Season 10 Open Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.

May 12-0 baraha, kaka­labanin ng Lady Rising Suns ang Philippine Air Force sa unang laro sa ga­nap na alas-3 ng hapon at paborito silang manalo pa­ra hawakan ang 1-0 ka­lamangan sa kanilang best-of-three series.

Parehong sa 3-1 iskor nangibabaw ang bataan ni coach Nestor Pamilar at may kumpiyansa ang men­tor na may ilalabas pa ang Cagayan sa Final Four.

“Mataas ang morale ng team dahil hindi pa natata­lo. Pero hindi puwedeng mag­kumpiyansa dahil ibang laro na itong semifinals. Kahit hindi maganda ang record ng Air Force, ang magkaroon ng pagkakataon sa Finals ay tiyak na hindi nila pakakawalan,” wika ni Pamilar.

Tinapos ng Cagayan ang asignatura sa quarterfi­nals gamit ang 3-2 panalo kontra sa Philippine Army at ibabandera ng koponan si­na Thai imports Kanni­ka Thipachot at Phomia So­raya bukod pa kina Aiza Maizo, Angeli Tabaquero at Wenneth Eulalio.

Kung ang unang laro ay pi­naniniwalaan na mauuwi sa madaling panalo, tiyak na­man na mahigpitan ang la­banan ang matutungha­yan sa pagitan ng Army at Smart-Maynilad sa ikala­wang laro sa alas-5 ng ha­pon.

Naghati sa 1-1 baraha ang Lady Troopers at Net Spikers sa dalawang pag­kikita pero nagdagdag ng pu­wersa ang huli para gu­manda ang tsansa na ma­kapasok sa Finals.

Si Wanida Kotruang ay kinuha ng Smart para ma­katuwang ng kababa­yang si Thai import Kesinee Lithawat at Alyssa Valdez.

Pangatlong laro ito ni Ko­truang at nakita ang si­pag nito nang manalo ang Smart sa Army at Meralco.

“Semifinals ito at anything can happen,” paha­yag ni Smart mentor Roger Go­rayeb.

Show comments