Phl vs China sa FIBA-Asia U-16 finals
MANILA, Philippines - Naipaghiganti ng Pilipinas ang pagkatalo sa preliminary round sa Chinese Taipei nang kunin ang 77-72 tagumpay sa semifinals ng FIBA-Asia U16 championship na ginagawa sa Azadi Sports Complex sa Tehran, Iran.
Lumabas ang tibay ng dibdib ng mga Pinoy nang bumangon sila mula sa 62-70 iskor sa huling 5:57 sa orasan para pumasok sa Finals.
Walong puntos ang ginawa ni Mike Nieto sa 15-2 run habang ang tres ni Jose Lorenzo Mendoza ang siyang tuluyang nagbigay ng kalamangan sa Pilipinas 74-72, para kunin din ng Nationals ang karapatang maglaro sa FIBA U-17 World Championship sa Dubai sa 2014.
“I told the boys to keep their heads down and focus on the game,†wika ni coach Mike Jarin sa FIBA-Asia website.
Nakipagsabayan ang Nationals sa inside game ng Taiwanese team sa 30-32, ngunit nakalamang ang Pilipinas ng tatlong puntos sa second chance points, 17-13, at apat na puntos sa fast break points, 10-6.
Ang China ay nakapasok sa Finals nang durugin ang Japan, 99-78, sa isang pares sa Final Four.
Mapapalaban nang husto ang Nationals pero determinado silang kumpletuhin ang magandang kampanya na tumapos sa dalawang pang-apat na puwestong pagkakalapag sa unang dalawang edisyon ng torneo.
Ang U-16 team ang ikalawang Philippine team na umusad sa World Championship matapos ang Gilas na nakakuha ng puwesto sa FIBA World Cup sa Madrid, Spain sa 2014 nang sumegunda sa Iran sa FIBA-Asia Men’s C’ships na ginawa sa bansa noong Agosto.
- Latest