Pacquiao binugbog ang ka-ispar

MANILA, Philippines - Sina welterweight Fre­derick Lawson ng Ghana at Filipino middleweight prospect Marlon Alta ang mga unang nakatikim ng suntok ni Manny Pacquiao sa pagsisimula ng kanilang sparring session sa Pacman Wild Card Gym sa General Santos City.

Halos mabugbog ni Pac­quiao (54-5-2, 38 KO’s) sina Lawson  (21-0-0, 19 KOs) at ang 5-foot-10 na si Alta  (12-3-0, 9 KOs) sa kanilang sparring.

Tig-dalawang rounds kinalaban ng 34-anyos na Sarangani Congressman sina Lawson at Alta kung saan muntik na niyang ma­pabagsak ang Ghanian fighter.

“Manny is still the champion,” sabi ni Lawson, ang kasalukuyang International Boxing Federation (IBF) international welterweight ruler, sa suntok na dumapo sa kanya mula kay Pacquiao.

Inaasahang darating sa bansa bukas si Justin Fortune, ang pumalit sa sinibak na si strength and conditio­ning coach Alex Ariza, mula sa Los Angeles, California.

Sa susunod na linggo naman susunod si chief trainer Freddie Roach ma­tapos ang laban ni dating world welterweight king Miguel Cotto kay Delvin Rod­riguez sa Orlando, Florida.

Samantala, kumuha na­man ng kaliweteng sparmate si Brandon ‘Bam Bam’ Rios bilang paghahanda sa istilo ni Pacquiao.

“I’m trying to get used to fighting a lefty. I’ve never been used to sparring a lefty, but I think I’m getting used to it more and more,” sabi ng 27-anyos na si Rios sa pa­nayam ng HustleBoss.com mula sa kanyang training camp sa Oxnard, California.

Kasabayan ni Rios, ang dating world lightweight titlist, sa sparring kina Karim “KC” Martinez at Rashad Hughes.

Lalabanan ni Rios (31-1-1, 23 KO’s) si Pacquiao sa Nobyembre 24 para sa World Boxing Organization (WBO) interim welterweight crown sa The Venetian sa Macau, China.

Show comments