MANILA, Philippines - Tinapos ng Pilipinas ang laro sa second round sa 2013 FIBA Asia U-16 Championship sa pamamagitan ng 78-67 panalo sa India na ginawa kahapon sa Tehran, Iran.
Isang 17-8 bomba ang pinakawalan ng nationals sa ikatlong yugto para maisantabi ang pagdikit ng India sa isang puntos, 34-33.
Ito ang ikaapat na sunod na panalo ng Pilipinas sa Group F para tapusin ang mga laro bitbit ang 4-1 baraha.
Tinalo naman ng Japan ang dating walang manÂtsang Chinese Taipei, 96-76, para magkaroon ng 3-way tie sa unang puwesto sa 4-1 baraha.
Nabiyayaan ang Pilipinas ng pangyayari dahil ang koponan ang may pinakamaÂgandang quotient upang maging number one habang ang Japan at Chinese Taipei ang kumuha sa ikalawa at ikatlong puwesto at ang Kazakhstan (1-4) ang ikaapat na koponan na umabante sa knockout quarterfinals .
Makakalaban ng Pilipinas ang Iran (2-3) na pumang-Âapat sa Group E. Ang makukuhang panalo ng Pambansang koponan ang magpapalawig sa ikatlong sunod sa tatlong edisyon ng torneo na nasa Final Four ang Pilipinas.
May 26 puntos mula sa bench si Jose Go IV, kasama ang anim na tres, habang si Mike Nieto ay naghatid ng 16 puntos.
Hindi kagandahan ang shooting ng Pilipinas na 37% (31-of-83) pero bumawi ang nationals sa depensa nang hiritan ng 21 errors ang India.
Sina Mahipal Singh at Jaipal Singh Maan ang namuno sa India sa kanilang tig-14 puntos at tinapos nila ang laban bitbit ang 1-4 karta.