MANILA, Philippines - Binigyan ni Kobe Paras ng magandang pakonsuwelo ang bigong paglahok ng Pilipinas sa FIBA 3x3 Under-18 World Championship nang kunin ang titulo sa slam dunk.
Nilipad ng 6’3 na si Kobe, na anak ni dating two-time PBA MVP Benjie Paras, ang kakamping si Thirdy Ravena na nakaupo sa motorsiklo tungo sa malakas na dunk para makuha ang pagsang-ayon ng mga hurado sa championship round.
Ang slam dunk ay side event ng 3x3 World Championship na ginawa sa MerÂdeka Square sa Kuala Lumpur, Malaysia at ang Pilipinas ay nasibak agad matapos magtala lamang ng tatlong panalo sa pitong laro.
Kasama rin sina Arvin Tolentino ng San Beda at Prince Rivero ng La Salle, ang Pilipinas ay nanalo sa Chinese Taipei, Guatemala at Andorra pero natalo sa China, Bulgaria, Czech Republic at USA.
Bahagyang naibsan din ang sakit ng pagkatalo ng Pilipinas sa US dahil isa sa nakalaban ni Paras ay si Demonte Flannigan ng US. Si Antonio Morales ng Spain ang isa pang manlalaro na umabante sa Finals.
Parehong mas matangkad ang mga katunggali ni Paras at si 6’7 Morales ang nanalo ng pilak habang si 6’5 Flannigan at Sung Min Hui ng China ang nabigyan ng bronze medals.
Nakitaan agad ng galing ang 15-anyos at mag-aaral ng La Salle Greenhills na si Paras sa elimination round at nakakuha siya ng perfect score sa semifinals sa ginaÂwang between-the-legs slam. Lalo niyang pinalalim ang ipinakita sa Finals para ilampaso ang mga kalaban at selyuhan ang korona.