Pacquiao sisimulan ang sparring ngayon
MANILA, Philippines - Ang boksingero mula sa Ghana ang isa sa magiging sparmates ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao bilang paghahanda sa kanyang laban kay Brandon ‘Bam Bam’ Rios.
Inaasahang makikipag-sparing si Pacquiao kay Fredrick Lawson ng Ghana, dumating sa Manila noong Linggo, ngayong araw bago umuwi sa General Santos City para ipagpatuloy ang kanyang pagsasanay.
Si Lawson, nagdadala ng impresibong 21-0-0 win-loss-draw ring record kasama ang 19 knockouts, ay kinuha ni Michael Koncz, ang Canadian adviser ni Pacquiao, para maibilang sa MP Promotions.
Si Pacquiao ay nag-eensayo sa ilalim ni Filipino assistant coach Buboy Fernandez.
Pag-aagawan nina Pacquiao (54-5-2, 38 KOs) at Rios (31-1-1, 23 KOs) ang World Boxing Organization International welterweight title sa Nobyembre 24 sa The Venetian sa Macau, China.
Nakatakda namang dumating sa bansa si chief trainer Freddie Roach sa susunod na linggo para sa kanilang training camp ni Pacquiao sa General Santos City.
Dumating na sina Roach at dating world welterweight king Miguel Cotto sa Orlando, Florida para sa non-title fight ng dating Puerto Rican kay Delvin Rodriguez ng Dominican Republic sa Oktubre 5.
Kaagad na magtutungo si Roach sa Pilipinas para sa training camp ni Pacquiao matapos ang naturang laban ni Cotto kay Rodriguez.
Pinigil ni Pacquiao si Cotto via 12th-round TKO noong 2009 para agawin sa huli ang dating suot nitong WBO welterweight title.
- Latest