U-16 team wagi sa Japan, pasok sa quarterfinals

MANILA, Philippines - Gumawa ng 36 puntos ang National U-16 team sa ikatlong yugto para pabagsakin ang dating walang talong Japan, 94-76, at makaabante na sa quarterfinals sa FIBA-Asia Under-16 Championship sa Tehran, Iran kahapon.

Ikatlong panalo sa apat na laro ang mga karta ngayon ng Pilipinas at Japan para makaabante na sa susunod na yugto kasama ang Chinese Taipei na may 3-0 baraha.

Mula sa walong puntos na kalamangan sa halftime, 42-34, nagtulong sina Jose Lorenzo Mendoza, Andres Paul Desiderio, Richard Escoto, Michael Joseph Nieto  sa 30-15 palitan upang iwan na ang mga Hapon, 72-49.

Si Mendoza na off-the-bench ay tumapos taglay ang 16 puntos para suportahan ang pinagsamang 61 puntos ng mga starters na sina Desiderio, Escoto at Nieto.

Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Pilipinas sa second round matapos pabagsakin ang Jordan, 73-60.

Naunang nalagay ang Pambansang koponan sa Group D sa first round at matapos talunin ang Kazakhs­tan, 90-88, ay natalo sila sa Chinese Taipei, 90-95,

Huling laro ng koponan ay laban sa India (0-3) at isang panalo ay magluluklok sa koponan sa ikalawang puwesto sa grupo.

Ngunit puwede pa silang tumapos sa unang puwesto kung matalo ng Japan ang Chinese Taipei.

Ang apat na koponan sa Group E at F ay aabante sa crossover quarterfinals na siyang panimula ng knockout games.

Mainit ang opensa ng Pilipinas kontra Japan dahil tumapos sila bitbit ang 50% shooting (38-of-76) laban sa 34% (28-of-82) ng kalaban.

 

Show comments