Giyera ng Boosters, E-painters ngayon may bentahe na ang Mixers

MANILA, Philippines - Bumangon ang San Mig Coffee mula sa isang 10-point deficit sa third period para resbakan ang Meralco, 83-73, sa Game One sa kanilang semifinals series para sa 2013 PBA Governor’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Umiskor sina Joe De­vance, Mark Barroca at Marc Pingris ng pinagsamang 17 points sa fourth quarter upang ibigay sa Mixers ang 1-0 bentahe sa kanilang best-of-five semifinals duel ng Bolts.

“We just kind a hang around until we close the distance,” wika ni coach Tim Cone. “No doubt we were emotionally drained in our two games against Alaska in the quarters. I thought we started the game with no focus.”

Matapos itayo ng Meralco ang isang 10-point lead, 50-40, sa ilalim ng anim na minuto sa third period mula sa isang three-point shot ni Mike Cortez, isang 20-5 atake ang ginawa ng San Mig Coffee para kunin ang 60-55 abante sa 10:37 ng fourth quarter.

Huling natikman ng Bolts ang kalamangan sa 61-60 buhat sa isang jumper ni Cortez sa 8:34 ng laro kasunod ang arangkada nina Barroca, Devance at Pingris para ilista ang isang 10-point advantage, 79-69, ng Mixers sa huling 2:07 ng labanan.

Ang agaw kay import Mario West at two-handed slam dunk ni Pingris ang siyang nag-angat sa San Mig Coffee sa naturang bentahe.

Samantala, mag-uuna­han naman ang Petron Blaze at ang nagdedepensang Rain or Shine sa pag-angkin sa 1-0 bentahe sa kanilang best-of-five semifinals duel sa Game One ngayong alas-7:15 ng gabi sa Big Dome.

Ang Boosters, kasalukuyang nasa isang nine-game winning streak matapos mabigo sa kanilang unang laro sa single round eliminations, at ang Elasto Painters ang tumayong No. 1 at No. 4  team, ayon sa pagkakasunod, sa quarterfinals.

 Tinalo ng Petron ni Abanilla ang Rain or Shine ni Yeng Guiao, 99-84, sa eliminations noong Agosto 23.

 

Show comments