Sparring time

Nagsimula ng umispar si Manny Pacquiao nung Biyernes para sa kanyang laban kay Brandon Rios sa Nov. 24 sa Macau.

Ang tanong ay sino ba ang naka-sparring niya?

Isang 23-anyos na Pinoy na mas malaki kay Pacquiao. Isang middleweight si Marlon Alta na tubong General Santos City.

Maayos naman daw ang unang araw ng sparring. Natural, ginawang punching bag ni Pacquiao ang katawan ni Alta na tinaguriang “Bone Crusher.”

Hindi naman siguro nagkadurug-durog ang mga buto ni Alta na halos itulak siguro sa loob ng ring para umispar kay Pacquiao. Fighter din naman si Alta na may ring record na 12-3-0.

Pero kailangan ni Pacquiao ng mas magagaling na sparring partners dahil sigurado akong si Rios naman ay maghahanda din ng lubos para sa laban.

May padating daw na Koreano para maka-ispar ni Pacquiao at isa pang boksingero mula sa Ghana. Parehong di kilala.

Si Freddie Roach naman ay dadating daw sa ika­lawang linggo pa ng Oktubre. Tila late yata ang dating niya kung ako ang tatanungin.

Kaya mas maaga siyang dumating mas mabuti.

Katulong ni Pacquiao sa training ngayon sina Bu­boy Fernandez at Nonoy Neri, mga beterano at mahuhusay na Pinoy trainers, mga orig na miyembro ng Team Pacquiao.

Kampante naman ako na seryoso si Pacquiao sa training dahil alam niyang nakasalalay na siguro ang lahat sa laban niya kay Rios.

Dalawang sunod na talo na si Pacquiao at isa pa ay kung baga sa baseball, strike out na siya.

Kulang-kulang dalawang buwan pa naman bago ang laban at ang importante ay nagsisimula na si Pacquiao sa training.

Warming up pa lang naman.

Ika nga ni Pacquiao, relax lang kayo

 

Show comments