MANILA, Philippines - Buo ang kumpiyansa ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) na maglalaro sa Pambansang koponan si Grandmaster Wesley So.
Sa panayam kay NCFP executive director GM Jayson Gonzales, kanyang binanggit na nakakausap niya ang mga magulang ni So sa pamamagitan ng electronic mail at naipaliwanag na niyang mabuti kung bakit hindi nabigyan ng rekognisyon ang batang GM matapos bigyan ng kauna-unahang ginto ang Pilipinas sa Summer Universiade sa Kazan, Russia.
Sinasabing sumama ang loob ng pamilyang So nang hindi pansinin ng NCFP, POC at PSC ang tagumpay na naipagkaloob niya sa bansa.
Dahil dito si So ay nagdesisyon na lamang na pagtuunan ang kanyang pag-aaral sa Webster University sa Canada at ipinagpaliban ang pagsali sa World Juniors Championship na ginanap sa Kocaeli, Turkey.
Hindi nabigyan ng anumang pagkilala o insentibo si So dahil hindi kinikilala ng POC ang Federation of School Sports Association of the Philippines (FESSAP) na siyang nagpadala ng delegasyong sa Kazan.
Si So ang nanalo ng gintong medalya sa chess sa 2011 SEA Games sa Palembang at siya ang highest rated player ng bansa sa ELO 2710.
Sampung manlalaro na bubuuin ng pitong kalalakihan at tatlong kababaihan ang balak dalhin ng NCFP sa Myanmar SEA Games para makipagtagisan sa pitong events sa rapid, blitz at random chess events.