Krusyal na panalo puntirya ng Letran, Arellano
MANILA, Philippines - Palalakasin uli ng Letran ang laban para sa unang dalawang puwesto habang bubuhayin pa ng Arellano ang katiting na tsansa na umabante sa pagpapatuloy ng 89th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Katipan ng Knights ang Jose Rizal University sa ganap na alas-4 ng hapon at ang makukuhang panalo ay magbibigay uli ng solo pangalawang puwesto sa Knights sa 11-3 karta.
Sa ngayon ay ang Perpetual Help ang nakaupo sa nasabing posisyon pero may 11-4 baraha sila matapos ang 76-78 pagkatalo sa overtime sa San Beda noong Huwebes ng gabi.
Tinalo ng Knights ang Heavy Bombers sa unang pagkikita sa 69-66 iskor at asahan din na gagawin nila lahat ng makakaya para makaganti.
Mahalaga ang makukuÂhang panalo ng JRU dahil bukod sa pagpigil sa apat na sunod na pagkatalo, isang tagumpay ay magpapalakas pa sa paghahabol sa Final Four.
Nasa ikalimang puwesÂto ang Heavy Bombers sa 5-7 baraha pero abot-kamay pa rin nila ang nasa pang-apat na San Sebastian na mayroong 8-5 karta.
Pigilan ang mga matitikas na kamador ng Knights sa pangunguna nina Raymond Almazan, Mark Cruz at Kevin Racal ang unang gagawin ng Heavy BomÂbers bukod sa paggana rin ng kanilang mga shooters.
Ang Arellano at Mapua ang magkukrus ng landas sa alas-6 ng gabi.
Sa 4-9 baraha ay may tsansa pa ang Chiefs pero kailangan nilang maipanalo ang nalalabing limang laro at umasang ang ibang nasa unahan ay hindi lumagpas ng siyam na panalo para makahirit ng playoff.
- Latest