MANILA, Philippines - Hindi pinahintulutan ng Centro Escolar University na basta na lamang matatapos ang magandang season nang hiritan ng 67-59 panalo ang St. Clare College of Caloocan sa Game Two ng NAASCU men’s basketball Finals kahapon sa Makati Coliseum.
Tila ipinamukha ng Scorpions sa nagdedepensang Saints na tsamba lamang ang 70-68 panalo sa Game One nang iwanan nila agad ito sa first half para maitabla sa 1-1 ang best-of-three series.
Mula sa dikitang 8-6 iskor ay lumarga ang Scorpions ng 21-6 palitan para hawakan ang 29-12 kalamangan sa kalagitnaan ng ikalawang yugto.
Hindi na nakabawi pa ang nagdedepensang kampeon na Saints para maitakda ang rubbermatch sa Lunes sa nasabing venue.
May 13 puntos si Jason Opiso habang 11, 10 at 10 pa ang ibinigay nina Rodrigue Ebondo, Samboy De Leon at Joseph Sedurifa.
May 13 rebounds pa si Ebondo para bigyan ang tropa ni coach Edgar Macaraya ng 41-33 bentahe sa rebounding habang may apat na assists si Aaron Jeruta para gawaran ang Scorpions ng 11-5 kalamangan sa departamento.
Si Elmer Managuelod ay mayroong 21 puntos habang si Mark Robin Dulalia ay nagdagdag ng 14 pero ininda ng bataan ni coach Jinno Manansala ang 0-of-12 shooting sa 3-point line.